Nasilip ko lang sa Facebook na naka-live ang manager ng social media celebrity na si Xander Ford dahil sa kasong Anti-Violence Against Women na isinampa laban sa kanya ng dating girlfriend na si Ysah Cabrejas.
Mahigit 100K ang live viewers habang naghahanash itong manager niyang taga-Star Image Artist Management.
Talagang documented ang proseso ng pagkadakip sa kanya ng Tondo Police Station na pati ang mugshot na blurred naman.
Hindi ko gaanong tinutukan ang FB live ng manager habang nag-i-emote ito na kesyo agad na hinuhusgahan daw si Xander, na kung anu-anong akusasyon sa kanila. Merong sinasabihan daw silang gumagawa lang ng ingay para mapag-usapan.
Eh bakit nila ipinu-post at may pa-FB live pa sa loob ng police station? Malalaman ba ‘yan ng mga tao kung hindi naman nila ipinu-post agad? Kaya nga hindi na namin gaanong pinansin dahil ang duda namin kung anong pakulo na naman ito.
Kamakailan lang ay meron pang dramang bisexual itong si Xander na parang may karelasyon pang lalaki. Pagkatapos ngayon Anti-VAWC case naman sa dating girlfriend.
Pinatulan pa ito ng ABS-CBN News na kung saan inilabas nila ang umiiyak na Xander na nakikiusap sa dating girlfriend.
Hanggang dun na lang talaga umiikot ang showbiz career nitong si Xander Ford. Pasensya na, pero parang wala kaming naramdamang awa sa pagkakulong niya. Naiisip naming bagong gimmick na naman ito para mapag-usapan. Ayun nga! Pinatulan din namin!
EA nakita kung paano nahirapang bumitiw si Shaira sa kanyang character
Ikinuwento sa amin ni Edgar Allan Guzman na hindi raw napigilan ng girlfriend niyang si Shaira Diaz na bumigay sa eksenang ginawa nila sa pelikulang Coming Home na entry ng Maverick Films sa Metro Manila Film Festival.
Apektado nga raw si Shaira sa pelikulang ito dahil parehong-pareho sa totoong nangyari sa kanyang buhay na kung saan iniwan sila ng kanilang ama na isang seaman dahil sa sumama sa ibang babae. Ang tagal daw bago nakabitaw si Shaira sa karakter niyang iyun. Kahit tapos na ang eksena, iyak pa rin daw ito nang iyak.
Kuwento ni EA nang nakatsikahan namin sa DZRH noong nakaraang Martes ng gabi; “Nung sinu-shoot namin, merong isang eksena na nung nasa eksena kami, hindi talaga siya makabitaw.”
Bago raw kinunan ang eksenang iyon, kinausap pa raw siya ni Shaira na tulungan siyang makapag-emote sa eksenang gagawin nilang madrama sa pelikulang iyon. “Nanghingi siya sa akin ng tulong na sabi niya, ‘baba, patulong.’ So tinulungan ko siya. Minotivate ko siya. Binigyan ko siya ng mga pointer para madala siya sa eksena para magawa niya nang maayos. So, nu’ng nagawa niya, yun na. Hindi ko ini-expect na ang tagal niyang makawala dun sa eksena.
“Ang sakit lang sa kanya dahil mag-isa lang siyang babae sa kanilang magkakapatid. Ganun pa rin siya, very emotional pa rin siya. Ilang taon din naman si Shaira nung naranasan niya iyun. Masakit para sa kanya,” dagdag na kuwento pa ng aktor.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa masabi ni Shaira kung kaya ba niyang tanggapin ang kanyang ama kung sakaling bumalik sa kanila. Hindi naman iyun masagot ni EA dahil desisyon daw iyun ng girlfriend. Pagdating sa ganung isyu ay hindi raw niya pinapakialaman kung ano ang nararamdaman ni Shaira.
Kasama ni EA ang kasintahan sa darating na Pasko. Pagkatapos daw ng dinner nilang pamilya, tutuloy daw siya kay Shaira para maki-celebrate din sa pamilya nito.
Happy na si EA na okay na raw sila ni Shaira sa kani-kanilang pamilya.
Bagong champion ng The Clash, bibida
Magkakaroon ng Christmas special ang The Clash bukas ng gabi na pinamagatang The Clash Christmas Special: Pasko Para sa Lahat!
Siyempre, bibida rito ang bagong champion ng naturang singing competition na si Jessica Villarubin ng Cebu. Kasama niya ang mga dati ring champion na sina Golden Cañedo at Jeremiah Tiangco, at iba pang finalists.
Magiging bahagi rin sa Christmas special na ito ang mga Clash Masters na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz at Journey hosts na sina Rita Daniela at Ken Chan, at Clash Panelists na sina Pops Fernandez, Aiai delas Alas at Christian Bautista.
May special participation din si Lani Misalucha na kung saan doon niya ibabahagi ang pinagdaanan niya bakit hindi niya natapos ang The Clash.