Actor-politician, kinakapos ng pag-alala sa mga taong nakasama noon

Meron kulang sa nagpapatakbo sa karera ng isang sikat na actor-politician. Aktor dahil bago naman siya sumikat sa tunay niyang linya ay humarap din siya sa mga camera.

Walang kuwestiyon sa kanyang popularidad, kahit uhuging bata ay kilalang-kilala siya, sikat siya sa buong mundo dahil sa pag-aangat sa pangalan ng ating bayan sa kanyang larangan.

Palaging naaakusahan ang sikat na male personality ng kawalan ng utang na loob. Mabilis daw siyang makalimot sa mga taong may napakalaking nagawa para sa kanyang mga pangarap.

Hindi raw siya marunong lumingon sa kanyang pinagmulan, nang sumikat at yumaman daw siya ay parang nagkaroon na siya ng amnesia, pero totoo ba naman ang mga bintang laban sa actor-politician?

Maraming naniniwalang hindi. Mapagkumbaba siya, hindi pinagbago ng kasikatan at kayamanan ang actor-politician, nananatiling nakabaon sa lupa ang kanyang mga paa.

Pero komento ng aming impormante, “May kulang sa career niya. Oo nga, mabait siya, hindi siya naapektuhan ng kasikatan at pagiging mayaman niya, pero may kulang sa kanya.

“Wala siyang naka-assign na staff para sa mga taong malaki ang naitulong sa kanya nu’n, walang nag-aalaga sa aspetong ‘yun, kaya siya pinagkakamalang yumabang na at may amnesia.

“Dapat kasi, e, meron siyang social secretary na walang ibang gagawin kundi ang bantayan at tutukan lang ang mga taong naging part ng buhay niya nu’ng hindi pa siya ganyan kasikat at kayaman.

“Nakakagulat kasi, namatay ang isang personality na kasa-kasama niya nu’n, gumawa pa nga sila ng pelikula, palagi niyang kasama sa mga kampanya niya ang taong ‘yun, pero hindi man lang siya nakaalala.

“Huwag na ang abuloy, ‘yung nagpadala man lang sana siya ng bulaklak, e, ikatutuwa na ng pamilya, pero wala! Ni hindi man lang siya nakiramay, e, napaka-close sa kanya nu’ng namatay.

“Mabait siya, very humble, pero meron siyang napapabayaang aspect ng political career niya. Masisira talaga ang image niya kapag ganu’n.

“Dapat talagang inaalagaan niya ‘yun, para pak na pak ang image niya, di ba naman?” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Pandemya iniba ang selebrasyon

Pinakamalungkot na Pasko ito sa tanang buhay natin. Dati nang mara­ming naghihirap sa ating bayan na iniraraos lang ang Pasko pero ibang-iba ang Pasko ngayong panahon ng pandemya.

Napakatindi ng binago ng pandemya sa ating bayan maging sa buong mundo. Pati ang ating nakasanayan nang kultura ay ninakaw na ng paglaganap ng COVID-19.

Bawal lumabas ng bahay ang matatanda at mga bata. Bawal magtipun-tipon ang mga pamilyang Pilipino bilang pagpapahalaga sa social distancing.

Maraming nakasanayan na natin ang inilipad ng hangin. Pati ang mga inaanak na mamamasko ay nalulungkot ngayon dahil paano na nga naman ang mga tatanggapin nilang regalo mula sa kanilang mga ninong at ninang? Paano na ang kanilang aginaldo?

Pero sa kabila ng pandemya ay merong natitira pa ring hindi ninanakaw, ang pagmamahalan at pag-alala, sa munti nating paraan ay nakapagpapadala pa rin tayo ng regalo sa ating mga kapamilya at kaibigan.

At ang pinakamahalaga, milyun-milyon na ang pumapanaw ngayon sa buong mundo dahil sa COVID-19, pero tayo’y ligtas at buhay na buhay pa rin.

Iisa lang ang ating buhay. Walang maaaring ipalit kapag nawala na. Ito ang regalo sa atin ng Diyos na walang anumang kapantay na kahit magkano.

Mapayapang Pasko sa ating lahat...

Mamayang gabi ay Noche Buena na. Iilang pamilya na lang ang may lechon sa mesa. Napakamahal kasi. May mga magsasama-sama pa rin para kahit paano’y makapagsalu-salo sila. Pero mas nakararami ang itutulog na lang ang Noche Buena sa katwirang lilipas din ‘yan.

May pandemya na ay dinalaw pa tayo nang sunud-sunod na bagyo. Nagbaha sa maraming probinsiya, may mga gumuhong lupa, maraming namatay at nawalan ng ikabubuhay at tirahan.

Meron man tayong ilalabas kahit paano ay gagana ang ating kunsensiya. Mahirap lunukin ang masarap na pagkain kapag alam nating milyon ang nagugutom.

Mahirap magpakasaya kapag alam nating milyon ang nalulungkot at nagdarahop. Hindi na natin makakalimutan pa ang taong 2020. Taon ito ng indulto, lahat na yata ng mga paghamon ay naipon sa taong ito.

Dasal ng buong mundo na harinawang maging positibo na ang susunod na taon para sa atin lalo na’t nagbabadya na ang pagdating ng bakunang susugpo sa salot. Puro tayo sana-sana pero anumang hiling natin ay hindi ganu’n kadaling magaganap kung kapos tayo sa pananampalataya.

Tanging Diyos lang ang pag-asa natin. Ang nag-iisang magliligtas sa atin sa kapahamakan. Sa Kanyang itinakdang panahon.

May pandemya man ay hindi kami mapipigilan sa pagbati sa inyong lahat ng Mapayapang Pasko!

Show comments