MANILA, Philippines — Ngayong mainit ang isyu ng karahasang ginagawa ng ilang kapulisan, samu't saring pamamaraan ang ginagawa ng netizens para kumundena — ang iba ibinubuhos sa awit ang galit.
Ginawan kasi ng grupong Ben&Ben ng kanta ang nangyaring pamamaril ni Police SMSgt. Jonel Nuezca kina Sonya Gregorio (52-anyos) at anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) sa Paniqui, Tarlac matapos makaaway tungkol sa boga at "right-of-way." Hindi armado ang mga biktima.
Basahin: Pulis na viral sa pamamaril ng 2 dahil sa 'boga' sumuko; kasong double murder inihahanda
Pinamagatang "Kapangyarihan," pinaaalala ng kantang in-upload nitong Martes na wala sa kinauukulan ang totoong kapangyarihan — na nagsisilbi sila dapat sa mamamayan.
"'[A]kala niyo ba, ang kapangyarihan, ay nasa inyo? sino ba kayo?' #StopTheKillingsPH #JusticeForGregorioFamily #EndPoliceBrutalityNow," sabi nila sa sipi ng lyrics.
"[N]agsisilbi ka dapat... katotohanan, ang dapat mamuno... sa mamamayan."
Umabot na sa mahigit 117,000 ang reactions at 49,000 shares ng nalikom ng naturang video habang isinusulat ang balitang ito.
Una na ring kinundena ng sari-saring celebrities mula sa industriya ng showbiz ang kinasapitan ng mag-ina gaya nina Maine Mendoza, Alessandra de Rossi, Gabbi Garcia, Frankie Pangilinan at Juan Miguel Severeo, habang idinidiing natatakot na sila ngayon sa pulis imbis na maramdamang ligtas sila kapag nariyan ang mga alagad ng batas.
May kinalaman: 'Sobra ginawa mo': Maine Mendoza, celebs binanatan viral na pamamaril ng pulis sa Tarlac
Noong isang araw lang nang makitaan ng "probable case" para i-charge ng dalawang counts ng murder ng Tarlac City prosecutors si Nuezca dahil sa insidente. Inirekomenda nilang huwag payagang makapagpiyansa ang salarin.
'99% ng pulis ginagawa ang tungkulin nila'
Ngayong Miyerkules lang nang irekomenda ni Interior Secretary Eduardo Año na mapatawan ng parusang bitay ang mga pulis na gumagawa ng karumaldumal na krimen matapos ng ginawa ni Nuezca, bagay na pinagdedebatihan ngayon ng mga nasa Senado at human rights advocates.
Basahin: Panukalang ibalik ang 'bitay' inilutang uli sa gitna ng pamamaril sa Tarlac
"Kung mayroon nga lang tayong death penalty, gusto ko 'yung mga pulis na siyang nagpapatupad eh siyang lumalabag ng ganyang heinous crimes eh talagang death penalty para sa akin 'yung parusa dapat," ani Año sa panayam ng dzBB.
"Para sa akin ang death penalty puwedeng iimpose sa drugs, 'yung mga drug lord, drug syndicates at dito sa mga heinous crimes na ginawa ng mga pulis or men in uniform na dapat magpatupad eh sila 'yung gumawa ng heinous crime, dapat death penalty 'yan."
Sa kabila nito, ipinaalala ng kalihim na hindi lahat ng pulis ay ganoon lalo na't 99% daw sa kanila ang gumagampan ng kanilang mandato.
"Bakit natin sinabing isolated case? Kasi ang nangyayari kasi gine-generalize nila 'yung mga pulis natin. Papaano naman 'yung matitinong pulis natin? 99% na matitino na sila 'yung nagpapatupad ng quarantine protocols, sila 'yung nakikipaglaban sa kriminal, sila 'yung talagang mga sa Facebook tinitingnan mo," dagdag niya.
Salungat 'yan sa datos mismo ng kapulisan noong sabihin ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana na mahigit-kumulang 5% lang ng 221,000 pulis sa bansa ang mga nakitaang gumawa ng mga paglabag.
Kung kwekwentahin gamit ang porsyentong 'yan, lalabas na nasa 11,050 ang mga pulis na may ginawang paglabag sa batas.