Ilang araw bago mag-Pasko, ang naging usapan ay ang marahas na pagpatay ng isang pulis sa isang matandang babae at sa kanyang anak dahil lamang sa simpleng alitan. Ginawa iyon ng pulis sa harap pa mismo ng kanyang anak. Tapos umalis na lang ang pulis, na nang malaunan ay sumuko sa pulisya sa ibang probinsiya na. Dahil diyan, maraming sumisigaw na naman ng pagbabalik ng death penalty. “Kung ako naman, hindi pa rin ako nagpapalit ng aking stand, hindi ako pabor sa death penalty. Ang paniwala ko iyong mali ay hindi maitutuwid ng isa pang mali. Kagaya niyan kumuha siya ng buhay ng kapwa niya, gagawin din ba natin na kunin ang buhay niya bilang kapalit lang? Sa akin kasi ang buhay ng tao, bigay ng Diyos at ang Diyos lang ang may karapatang bumawi. Kung natatandaan ninyo, inalisan ako ng committee chairmanship sa house dahil hindi ako pabor sa pagbabalik ng death penalty at iyon pa rin ang stand ko ngayon,” sabi ni Congresswoman Vilma Santos.
“Hindi rin kailangan ng mga bagong batas. Ang dami-dami na nating mga batas, ang kailangan lang ay ang mabilis na pagpapatupad ng batas. Kagaya niyan, kinasuhan na nila ang suspect ng double murder. Pagtakbo ng kaso niyan marami pang ibang lalabas, bukod iyon sa disciplinary actions na maaaring ibigay pa ng PNP. Iyong PNP dapat ‘yan alisin na ‘yan sa tungkulin, at walang retirement benefits dapat. Ang ganyang tao hindi na dapat bigyan ng kahit na anong benepisyo, pero mayroon silang mga imbestigador diyan. Hindi rin tayo ang masusunod.
“Hindi rin naman lahat ng pulis ganyan. Wala pa akong naririnig na ganyang abuso ng mga pulis dito sa amin sa Lipa. Hindi makakalusot ‘yan sa hepe rito na si Colonel Barde. Maski noong governor pa ako, lahat ng pulis sa buong probinsiya disiplinado. Alam nila ang tungkulin nila, pero alam din nila ang karapatan ng tao,” pahayag pa niya.
“Ang tingin ko wala na sa batas iyan, at wala rin sa pamamaraan ng disiplina. Nasa tao iyan. Hindi naman lahat ng tao ganyan, tingnan natin ang katotohanan na mas marami ang gumagawa ng mabuti,” sabi ni Ate Vi.
Regine at Ogie, walang malipatan!
Tama ang sinabi ni Regine Velasquez nang tanungin siya kung aalis din ba sila ng kanyang asawang si Ogie Alcasid sa ABS-CBN. Ang sabi lang niya, “saan pa ba kami pupunta?”
Siguro nga masasabing mabuti na ang kalagayan nila ngayon kahit na sarado ang ABS-CBN.
Anong malay ninyo bigla nga ring makapagbukas ang network, at kung mangyayari iyon, dahil naglipatan ang ibang malalaking stars ng network sa iba, ‘di sila na lang ang stars doon.
Hindi naman siguro siya babalik sa GMA. Hindi na rin naman sila makakalipat sa TV5, galing na rin doon si Ogie Alcasid. Saan pa sila kukuha ng may “best offer” na kagaya ng mga offer na iniaalok sa kanila noong araw?
Ang dami na ngayong mga bagong singer, at bukod doon ang kinalolokohan ngayon ng mga bata ay ang K-Pop, at hindi na nila linya iyon. Kaya ang talagang pinaka-safe, sa ABS-CBN na lang sila at maghintay na lang kung kailan iyon makapagbubukas na muli.
Dating naghuhubad sa bar, nagpapataas ng presyo
“Nagpapataas lang iyan ng presyo, kasi nahalata niya siguro na wala na ring pumapansin sa kanya,” sabi ng isang observer tungkol sa isang male star na lumipat pa ng network, pero wala pa rin namang makuhang magandang assignment hanggang ngayon. Wala naman kasing talent na mailabas, bukod pa sa nasira na iyan noong mga ginawa niyang kabulastugan noong araw.
Hanggang ngayon lumilitaw pa rin ang mga picture ng mga ginawa niyang paghuhubad sa isang cheap na bar noong araw.
Talaga namang basta nag-artista ka mahahalungkat ang nakaraan mo, at iyon ang kalaban mo. Kaya nga sabi ng iba “nagpapataas na lang ng presyo iyan sa sideline niya”.