Grabe ang effort ng ABS-CBN sa kanilang Christmas Special 2020 the other night.
At pinatunayan nilang hawak pa rin nila ang maraming maningning na mga artista.
Bongga ang mga production number at parang may franchise pa rin naman.
Bukod sa malaking Christmas presentation nila, bago tuluyang mamaalam sa taong 2020, magbabalik-tanaw din sila sa pinakamalaking mga isyu at pangyayari na pumukaw sa atensyon at nagbago sa buhay ng mga Pilipino ngayong taon Sa Likod ng Balita 2020: The ABS-CBN Year-End Special sa Disyembre 27, 9 p.m.
Tampok dito ang mga kwento mula mismo sa mga mamamahayag na nag-ulat tungkol sa pandemya, ang pagsabog ng Taal at mga mapinsalang bagyong dumaan, pati na rin ang pagpapatigil sa pagsasahimpapawid ng ABS-CBN.
Ilalahad ng mga reporter nila kung paano nagsimulang kumalat ang COVID-19 sa bansa at ang naging epekto nito sa buhay ng mga Pilipino. Ikukwento rin nila ang mga naging hakbang para sugpuin ito at mga hinarap na pagsubok sa pagsasagawa nito.
Tatalakayin din ang mga kalamidad na nagdulot ng matinding pinsala sa iba-ibang bahagi ng Pilipinas tulad ng pagputok ng Taal volcano, lindol sa Masbate at ang magkakasunod na bagyong nagpalubog sa ilang mga probinsya at lungsod sa bansa.
Alamin din ang kwento sa likod ng mga isyu kaugnay sa pulitika at hustisya na yumanig sa sambayanan kabilang ang anti-terror bill, mga pagsabog sa Jolo, at ang pagpapalaya kay U.S. Marine Joseph Scott Pemberton na nakulong dahil sa pagpatay sa isang Pilipino.
Hindi rin palalampasin ang isyu sa pagpapasara ng ABS-CBN na lubos na nakaapekto sa mismong mga tagapagbalita mula sa ABS-CBN News. Babalikan ng dokyu ang mga pangyayari mula paghain ng quo warranto case laban sa network, ang mga hearing sa Senado at Kongreso, at mga ginanap na rally bilang suporta sa ABS-CBN.
Panoorin kung bakit sa kabila ng mga mahirap na pinagdaanan, nananatiling may pag-asa at positibong pananaw pa rin ang ABS-CBN News sa pagpasok ng 2021.