Nagulat kami sa ending ng pelikulang Suarez,The Healing Priest. Napanood na namin ang kabuuan ng pelikula. Sa pagtatapos ng kuwento ng pelikula, biglang lumabas si Fr. Fernando Suarez mismo, at nanalangin para sa pagpapagaling.
Iyon pala ay kinunan isang araw bago namatay si Suarez. Dumalaw siya sa set dahil sa request ng production staff na mag-misa siya at manalangin para sa mga may karamdaman sa set. Kabilang na nga roon iyong sakit daw ni Troy Montero, at ang hindi rin magandang nararamdaman ni John Arcilla.
Naisip naman daw ng director na si Joven Tan na kunan ng video ang healing prayer. Humingi siya ng pahintulot kay Fr. Suarez na mai-video iyon at pumayag naman ang pari.
Narito ngayon ang punto, patay na nga si Fr. Suarez, pero ang kanyang panalangin ay nananatili. At siguro nga kung ang isang may sakit ay manonood ng kanyang healing prayer sa pelikula, ipatong niya ang kanyang kanang kamay sa bahagi ng kanyang katawan na inaakala niyang may sakit, malaki ang posibilidad na siya ay gumaling din. After all, marami namang nangyayaring himala sa araw-araw. At kung ang isang tao ay may matibay na pananampalataya at loloobin ng Diyos, siya ay gagaling.
Nagkakatawanan nga kami ng isa naming kasamahan sa trabaho habang pinanonood namin ang pelikula. Kasi walang binanggit na mga pangalan ang mga obispong nag-uusap tungkol kay Fr. Suarez, pero napakadaling hulaan kung sino sila lalo na’t narinig mo rin ang mga kuwento nila tungkol kay Fr. Suarez noong araw.
Sabi nga nila, mas madali raw iyong hulaan kaysa sa mga blind item, kasi naging open naman ang maraming obispo sa kanilang pagkatig, o paglaban sa paniniwala kay Fr. Suarez. Hindi namin sinasabing si Fr. Suarez ay isang perpektong pari, pero hindi imposible na ano man siya ay nagamit siya ng Diyos para ihatid sa mga mananampalataya ang biyaya ng pagpapagaling.
At kung ang mananampalataya ay dapat na tumanggap ng biyayang gumaling, sabi nga nila sa wikang Latin ex opere operantis, tatanggap ka ng biyayang nararapat sa iyo.
MMFF, malabong kumita ng daang milyon
Ilang araw na lang, magsisimula na ang Metro Manila Film Festival. Sa pagkakataong ito, wala kayong maaasahang parade ng mga artista sa simula ng festival. Wala rin kayong makikitang pila sa mga sinehan dahil sarado pa ang mga iyon. Ang mga pelikula sa festival ay mapapanood ninyo sa pamamagitan ng internet, at pati ang awarding nila ay virtual lang.
Walang umaasa na may maririnig na pelikulang kumita ng daang milyon sa festival na ito. Malamang nga maitala sa kasaysayan na iyan ang festival na may pinakabagsak na kita. May mga nagsasabi pa ngang wala naman palang mga sinehan, dapat hindi na lang muna nila itinuloy ang festival. Pero umasa nga sila na baka in the end ay pumayag din ang mga mayor na mabuksan ang mga sinehan. Eh tumaas pa nga raw ang bilang ng may Covid, lalo pang naghigpit ang mga mayor, na natural lang naman.
Naniniwala kami na kung may mga pelikula ngang mapapansin, mailalabas pa rin ang mga iyan sa mga sinehan kahit tapos na ang festival.
Pero marami ang umaasa at hindi magtatagal, kahit na hindi mo masabing magbabalik ang normal na buhay ay medyo magluluwag na rin. Lahat naman ay naniniwalang kailangang buhayin kahit na papaano ang ekonomiya ng bansa, at sa ibang bansa nagbukas na ang mga libangan kagaya ng mga sinehan, mga theme park at iba pang pasyalan.
Hingin natin sa Diyos na isa iyan sa ibigay sa ating regalo, sa pagdiriwang ng birthday niya.