^

PSN Showbiz

'Sobra ginawa mo': Maine Mendoza, celebs binanatan viral na pamamaril ng pulis sa Tarlac

James Relativo - Philstar.com
'Sobra ginawa mo': Maine Mendoza, celebs binanatan viral na pamamaril ng pulis sa Tarlac
Litrato ng mga aktres na si Main Mendoza (kaliwa), Gabbi Garcia (gitna) at makata na si Juan MIguel Severo (kanan)
Mula sa Instagram accounts nina Maine Mendoza, Gabbi Garcia at Juan Miguel Severo

MANILA, Philippines — Hindi kinaya ng konsensya ng ilang artista at personalidad sa industriya ng showbiz ang kontrobersiyal na pamamaril ng isang pulis sa dalawa kataong hindi armado sa Tarlac — bagay na kuhang-kuha sa video na viral ngayon sa social media.

Linggo ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente, bagay na nagsimula aniya sa alitan ng kaugnay ng "boga" at  "right-of-way," na labis tumindi nang makisabat ang anak ni Police SMSgt. Jonel Nuezca.

Dead on the spot ang mag-inang Sonya Gregorio (52-anyos) at anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) matapos barilin sa sentido nang malapitan ni Nuezca ang dalawa kahit hindi armado ang mga biktima.

Basahin: Pulis na viral sa pamamaril ng 2 dahil sa 'boga' sumuko; kasong double murder inihahanda

"BAKIT KAILANGANG UMABOT DOON? Hindi ko kaya, grabe, Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko pero pwede bang barilin ka nalang din sa harap ng anak mo?" matapang na pahayag ngayong Lunes ni Maine Mendoza, isang aktres ng GMA.

"Sorry Lord pero sobra kasi yun eh. Sobra yung ginawa niya. Hustisya para sa mag-inang Gregorio. #STOPTHEKILLINGS"

Aniya, labis itong nakakapanlumo lalo na't minsan na nga lang siya tumingin ng Twitter at ganoong klaseng krimen pa raw ang bubungad sa kanya.

Ganyan din ang dama ni Kapuso actress at recording artist na si Gabbi Garcia sa krimen, habang idinidiin na sana'y mabulok sa bilangguan si Nuezca.

"'MY FATHER IS A POLICEMAN' I hope your 'policeman' father rots in jail. He is a murderer," ani Gabbi, habang tinutukoy ang mga salitang inuusal ng anak ng salarin bago kalabitin ng pulis ang gatilyo.

Hindi rin naiwasan ni Frankie Pangilinan, outspoken na anak nina "Megastar" Sharon Cuneta at Sen. Francis Pangilinan ang madugong tagpo habang tinatanong kung ano na nga bang nangyayari sa Pilipinas dahil sa karahasan.

Para naman sa makata, manunulat at aktor na si Juan Miguel Severo, hindi na niya maramdamang mas ligtas siya sa tuwing may mga pulis sa paligid buhat na rin ng insidente.

"Masahol pa sa aswang ang pulis. Hindi nila kailangan ng dilim para magpakahalimaw," wika niya, habang pinaaalalahanan ang lahat na 'wag ibunton ang lahat ng sisi sa anak ni Nuezca na nakisabat sa alitang-magkapitbahay.

Ilan kasi sa mga netizens ang bumabanat nang husto sa menor de edad — ang ilan nananawagan pang makulong din ang bata: "If we are against lowering the age of criminal liability then we should be against the persecution of the girl in that video. Her actions are the result of a failure in parenting and she must have the chance to be better."

Dagdag pa ni Severo, ang ganitong pag-iisip daw ang nagbibigay nagtatanggol sa mga karumaldumal na bagay laban sa mga inosenteng bata, gaya na lang kina Kian delos Santos at "baby River" — anak ng political prisoner na si Reina Mae Nasino.

Basahin: 3 cops guilty of Kian delos Santos murder

May kinalaman: Libing ni 'baby River,' anak ng aktibistang preso, nauwi sa agawan ng labi

DILG: HIndi lahat ng pulis ganyan

Kanina lang nang kundenahin ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pangyayari, habang iginigiit na "karamihan sa mga pulis ay may dangal at integridad."

"The DILG will ensure that justice will be given to the family of the victims and that administrative and criminal cases will be filed against Nuezca. We do not and will never tolerate such acts and we will make sure that he will account for his crimes. I have likewise directed PNP Chief P/Gen Debold Sinas to extend assistance to the family of the victims at this time of bereavement," ani Interior Secretary Eduardo M. Año, Lunes.

"This is an unfortunate but isolated incident. While there are unfortunate incidents like this, the vast majority of our PNP personnel perform their sworn duties everyday with honor and integrity to protect and serve the people." 

Nangyari ang krimen ngayong mainit ang mata ng International Criminal Court (ICC) sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na idinidiin sa mga extrajudical killings kaugnay ng gera kontra droga. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio

CELEBRITIES

FRANKIE PANGILINAN

GABBI GARCIA

MAINE MENDOZA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with