Leo Martinez malabo nang matanggap ang retirement pay sa FAP!

Leo

Nakakalungkot ang controversy sa pagitan ng dating director-general ng Film Academy of the Philippines na si Leo Martinez at ang kasalukuyang director general na si Vivian Velez. Ito ay dahil sa hinihinging retirement pay ni Leo na umaabot sa isang milyon. Nakuha na niya ang kalahati noon, pero tumanggi si Vi­vian na ibigay ang kalahati pa dahil ayon sa kanya, hindi niya alam kung papaano ang naging basehan noon at kung legal nga ba ang pagbibigay ng retirement. Sa opinion daw kasi ng kanyang legal team, hindi dapat bayaran iyon at kailangang mai-refer muna sa Office of the President na siyang may supervision sa FAP.

Sumulat naman si Leo Martinez sa Malacañang at sinabing kailangan na niyang masingil ang kalahati pa ng kanyang retirement pay. Sinabi niyang kailangan niya dahil marami na rin siyang kailangang bayaran, pambili ng gamot niya, bayad sa doctor, at sa katotohanang wala siyang trabaho at hindi makalabas ng bahay simula noong magkaroon ng lockdown.

Ang naging aksiyon naman ng Malacañang, ibinalik ang problema kay Vivian Velez na sinasabi nilang siya ang dapat na gumawa ng desisyon sa mga bagay na iyon. Diyan nag-uugat ang samaan ng loob.

Wala kaming kuwestiyon sa claims ni Leo, dahil iyon ay inaprobahan ng kanilang board of governors noon. Pero sa totoo lang nagulat kami na ganoon pala ang sinusuweldo ng isang director general, at ganoon pala kalaki ang kanyang retirement pay, samantalang ang academy laging umaangal na wala silang pera.

Hindi namin narinig na nagkaroon ng ganyang problema o nakakuha ng ganyang retirement pay noong araw ang mga dating director generals na sina Manuel de Leon, Manay Ichu Maceda, Atty. Espiridion Laxa, Eddie Romero at iba pa. May suweldo rin ba sila noon at retirement pay?

Hindi naging maliwanag sa amin kung kailan nga nagsimula ang mga bagay na iyan.

Pero sana maayos nila ang problema at mangibabaw kung ano ang tama.

Jason pa-react sa isyu ng pagbili ng vaccine

Natawa na lang kami sa nabasa naming post ng actor na si Jason Abalos.

Sa dinami-rami ng mga balitang mabibigyan niya ng kumento, ang napansin niya ay ang balitang ang China ay bumili ng isandaang milyong doses ng Anti-Covid vaccine mula sa Pfizer.

Wala naman siyang sinabing kahit na ano, pero siyempre magtatanong ka kung bakit pinalampas nating makakuha ng bakuna mula sa Pfizer at ang gusto nating unahing bilhin ay iyong Sinovac na gawa ng China na mas mahal pang ‘di hamak kaysa sa Pfizer.

Siguro kaya niya nabanggit, nagtataka rin si Jason kung bakit nga ba ganoon.

Aktor, maraming guarantor

Ang ganda ng bagong bahay ng isang male star, at kung totoo ang naba­litaan namin puro mga mamahaling kasangkapan din ang ilalagay sa bahay na iyon na maaaring abutin nang kung ilang milyon ang halaga.

Maganda naman iyon na pinaghahandaan na niya ang kanyang kinabukasan, kahit na wala pa naman siyang sariling pamilya. Kaya lang marami ang nagtataka kung papaano siyang nakabili ng ganoong property eh hindi naman ganoon kalaki ang kanyang kinikita sa ngayon, lalo na nga’t nasa tv lang naman siya.

Siguro naman nag-loan siya sa bangko. At siguro may isa ngang mayaman na naging guarantor niya sa bangko kaya siya pinautang nang ganoon kalaki.

Ang pinag-uusapan nila ay kung sino ang kanyang guarantor. Totoo ba na ang guarantor niya ay isang milyonaryo mula sa Mindanao? May isa pang hula, baka raw ang Chinese businessman na masyado ring showbiz ang dating. Pero may nagsasabing isa pa, isang German businessman na madalas daw niyang bisita sa Pilipinas. Wala raw iyong pinupuntahan sa Pilipinas kung ‘di ang poging male star.

Show comments