Nanghinayang kami na hindi sa mga sinehan mapapanood ang pambatang pelikulang Magikland ng Brightlight Productions, ang huling obra ni direk Peque Gallaga.
Sina direk Peque at direk Lore Reyes ang nag-conceptualize nito at dinirek ni Christian Acuna.
Ang bongga nga ng Brightlight dahil kitang-kita sa pelikulang ito na talagang ginastusan nang husto. Kapani-paniwalang umabot ng halos P200M ang ginastos nila.
Ang ganda ng special effects, pati ang costume at production design na puwedeng at para sa mga international films. Magagaling pa ang mga batang bida rito na sina Miggs Cuaderno, Elijah Alejo, Princess Rabara at Joshua Eugenio.
Two years in the making ang naturang pelikula, kaya ang babata pa nila rito. Given nang magaling sina Miggs at Elijah bilang ang dami na rin naman nilang nagawang pelikula at TV series.
Ang napansin dito sa totoo lang ay ang batang taga-Tondo na na-discover nina direk Peque na si Joshua Eugenio. Bagay sa kanya ang role na ipinagkatiwala bilang si Pat Patag, ang batang kalye at may pagka-komedyante.
Sabi nga ng ilang nakapanood, bagay siyang gumanap bilang batang Daniel Padilla. Nakikita kasi sa kanya ang charm na tipong si Daniel.
May ilang talents pa dito si direk Peque na binigyan ng mahalagang role, pero ang nakakatuwa ang laki nang naitulong sa pelikula ng mga big stars at magagaling na may special participation.
Ilan sa kapansin-pansin dito sina Cherie Gil, Paolo Contis, Mylene Dizon, Katrina Halili, Lotlot de Leon, Ryan Eigenmann at Gabby Eigenmann.
Bida sa BL movie, heterosexual
Bilang ang lakas ng mga BL movie sa ngayon, napapag-usapan na posibleng isa sa tatangkilin online sa sampung pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival ang The Boy Foretold by the Stars na pinagbibidahan nina Adrian Lindayag at ng baguhang aktor na si Kean Johnson.
Nakilala na namin noon si Kean nang may sinimulan siyang isa pang BL series na hindi pa naipalabas. Dito raw muna siya magpo-focus sa MMFF entry niya lalo na’t kakaiba ang kuwento na nababagay sa audience ng online.
Guwapo si Kean at hindi kataka-takang marami ang ma-in love sa kanya lalo na ang mga kabadingan.
Sabi naman ni Kean, lalo na nung high school siya ay marami talaga pero ayaw naman daw niyang ipangalandakan pa ito. “Ayoko naman yung guwapung-guwapo sa sarili pero facing reality, yes,” saad ni Kean.
Pero nangahas na rin akong tanungin siya kung ano ba talaga ang sexual preference niya. “In all honesty, I am heterosexual,” pakli niya. “But I always say I’m open to the fact that for example that I eventually do find someone…the guy that attractive…I won’t because of the fact na maybe I could be homosexual. Ayun po. That’s my standpoint as of now,” dagdag niyang pahayag.
Nakakaintriga ang sagot, kaya sinundan ko ng tanong kung posibleng ma-fall o ma-in love siya sa kapareho niya. “Yes po, there is,” deretso niyang sagot sa akin.
May mga nanliligaw daw sa kanya, pero hindi naman daw siya iyung basta-basta na lang papasok sa isang relasyon, lalo na’t mas mahalaga sa kanya ngayon ang pinasukan niyang showbiz career.
“If they have the same personality that I have and I’m interested in them in other ways. Kasi siyempre kasi kung hindi ko gusto yung tao, bakit ko pipilitin di ba? Pero you know, I appreciated the fact that they see something in me that want to make me part of their life,” pagtatapat ni Kean.
Lalo tuloy kaming naintriga at nagkainteres na panoorin itong The Boy Foretold by the Stars na dinirek ni Dolly Dulu, na isa pala sa katuwang nila sa pag-produce nito ay si Jodi Sta. Maria dahil nagandahan ito sa material.
Direk Carlitos nag-inhibit na judge sa MMFF
Ilan pala sa mga uupong board judges sa MMFF ay si direk Carlitos Siguion-Reyna. Pero ang latest na nabalitaan namin ay nag-inhibit na siya bilang isa sa mga hurado, dahil bahagi siya sa pelikulang Magikland at may mahalagang role dito ang asawa niyang si direk Bibeth Orteza.
Por delicadeza mas mabuting hindi na lang daw siya uupo as one of the board of judges para wala nang masabi.
Ilan pa sa narinig naming magdya-judge ay sina Mayor Richard Gomez, and broadcaster na si Rico Hizon, at ang manunulat na si Lualhati Bautista.