MANILA, Philippines — May handog na makahulugang Pamaskong awitin ang beteranong broadcast journalist na si Bernadette Sembrano mula sa Star Music, ang Yakapin ang Pasko, na hangaring magbigay-pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob na magdiwang ng Pasko.
Nabuo ang kanta base sa mga totoong kwento at binibigyang-pansin din nito ang pananampalataya at pagbangon ng mga Pilipinong dumaan sa matitinding unos bago mag-Pasko. “Nagtatanong sila, Paano na sa Pasko? pero ang sagot doon, na-witness ko rin sa mismong buhay ng mga survivors.
“Hindi lang nag-survive ang mga Pinoy, umangat sila, dahil sa malalim na pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa mga pamilya nila at sa bayanihan,” dagdag niya.
Ayon pa sa anchor ng TV Patrol, si Jose Mari Chan ang naging inspirasyon para matapos niya ang Yakapin ang Pasko, na nabuo nitong quarantine mula sa simpleng melody sa isip niya. Inilarawan niya rin ito bilang ‘culmination’ ng music journey niya na nagsimula noong 2019.
Ang respetadong songwriter at musical director na si Homer Flores ang nag-arrange ng Christmas song habang si ABS-CBN Music creative diretcor Jonathan Manalo, na naka-collaborate din ni Bernadette kamakailan para sa kantang Ang Sa Iyo Ay Akin, ang nag-produce nito.
“Sa loob ng mahigit 20 taon ko bilang broadcast journalist, na-inspire ako sa interviewees namin, at sa panahon ngayon na maraming nangangailangan, lahat tayo nagkaroon ng compassion para sa isa’t isa,” aniya.
“Bilang songwriter, hayaan niyo ko na bigyan ng pakpak ang mga kwento ng puso natin, lalo na sa panahon ngayon na puno ng pagsubok. Sana makahanap tayo ng comfort at pag-asa sa pagyakap kay Kristo sa mga puso natin,” dagdag niya.
Kasama ang mga mahal mo sa buhay, Yakapin Ang Pasko at pakinggan ang awitin ni Bernadette sa iba’t ibang digital music platforms.