MANILA, Philippines — Hindi pa man nakalalagpas sa nauna nilang suliranin, panibagong dagok na naman ang sumalubong sa Kapamilya broadcast journalist na si Anthony "Tunying" Taberna, matapos aniya pagnakawan ng malaking halaga ang kanilang coffee shop-restaurant ilang linggo pa lang ang nakalilipas.
Ito ang kanyang inilahad sa episode ng "Magandang Buhay" kahapon matapos aktong biktimahin ng pinagkakatiwalaan sa negosyo nilang Ka Tunying's Cafe.
"Isipin mo hirap na hirap kami. Alam mo 'yung pagpapagamot sa katulad ni Zoey, sa kanyang kondisyon, mabigat 'yon... [N]adiskubre namin two weeks o three weeks ago lamang na kami pala ay ninanakawan ng taong pinagkakatiwalaan namin dito sa kumpanya," ayon sa broadcaster.
"Eh sabi ko napakahirap naman 'yung ganung sitwasyon at hindi maliit na halaga 'yung kinuha sa kumpanya."
Isang taon na ang nakalilipas nang ma-diagnose ng sakit na leukemia ang anak na si Zoey, na kamakailan lang ay nagpakalbo na dahil sa pagkalagas ng buhok dulot ng chemotherapy.
Aniya, napakasakit ng nangyari lalo na't pinaghirapan nilang mag-ipon ng pera ngunit kukunin lang daw ng iba.
"Sabi ko nga, kung hindi namin mareremedyuhan ngayon ang nangyari, masakit man... baka ihanda natin ang sarili natin sa pagsasara ng kumpanya. Sobra kasing laki nu'ng nawala kaya napakahirap ng pangyayari ngayon," dagdag pa niya.
"Sobrang sakit sa pakiramdam. Kaya ang sitwasyon namin ngayon 'yung tao ay inihahanda namin ang kaso sa kanya."
Matatandaang taong 2015 nang pagbabarilin ng mga 'di kilalang salarin ang coffee shop ni Ka Tunying sa Visayas Avenue, Lungsod ng Quezon, bagay na iniugnay na noon sa kanyang trabaho't pagkokomentaryo sa himpapawid. — James Relativo