Ika-16 taong pagkamatay ni 'Da King' Fernando Poe Jr. inalala ng pamilya, fans
MANILA, Philippines — Bumuhos sa social media ngayong araw ang pagsariwa sa buhay at alala ng isa sa mga haligi ng pelikulang Pilipino sa pagdaraos ng ika-16 na anibersaryo ng pagpanaw ng nag-iisang Fernando Poe Jr., na gumawa ng kanyang pangalan sa larangan ng action films.
Kilala rin sa tawag na "Hari ng Pelikulang Pilipino," matatandaang namatay si FPJ noong ika-14 ng Disyembre 2004 matapos ma-comatose dulot ng stroke. Hindi na siya nagising pa simula noon hanggang bawian ng buhay sa edad na 65.
Ayon kay Sen. Grace Poe, Lunes, kakaiba ang pagdiriwang ng death aniversary ng kanyang adoptive parent ngayong 2020 kasabay na rin ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
"Sa aking pagbisita sa puntod ni papa ngayong ika-16 anibersaryo ng kanyang pagpanaw, dama ko ang pagkakaiba ng mga panahon ngayon," ani Senadora Grace kanina.
"Subalit, hindi man tayo nakapagmisa kasama ang pamilya, mga kaibigan at tagahanga katulad ng mga nakaraang labing limang taon na tayo’y nagtitipon sa araw na ito, alam kong nasa puso at alaala siya ng bawat isa."
Sa nakaraang 15 taon, nagmimisa ang kanilang pamilya't mga kaibigan sa kanyang puntod na matatagpuan sa Manila North Cemetery. Ayon na rin sa kanyang kolum kanina, pumanaw na rin si Fr. Larry Faraon na siyang nagdaraos ng mga nasabing misa noon.
Dagdag pa ng senadora, nananatiling buhay ang paghanga ng marami kay FPJ "lalo na sa kanyang pagtulong sa kapwa."
"Hangga’t may mga Pilipinong umiidolo at nakakakilala sa'yo, mananatiling buhay ang iyong alaala. Maraming salamat, Da King!" patuloy ng lawmaker na anak ng aktor.
Matatandaang parehong tumakbo sa pagkapresidente sina FPJ (2004) at Sen. Grace Poe (2016) ngunit parehong nabigo matapos manalo nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Pangulong Rodrigo Duterte.
Dinamayan naman si Grace ng kanyang dating running-mate na si Sorsogon Gov. Francis "Chiz" Escudero, na labis na rin daw nangungulila sa aktor.
"FPJ passed away 16 years ago today in 2004. Nakaka-miss ka pa rin hanggang ngayon Boss!" ani Escudero.
FPJ passed away 16 years ago today in 2004.... Nakaka-miss ka pa din hanggang ngayon Boss!!! pic.twitter.com/ovUA9yfXpU
— Chiz Escudero (@SayChiz) December 14, 2020
Ibinahagi naman ng Twitter user na si @WILLIEBOYBLUE4 ang ginawang pagtitipon ngayon sa puntod ng "Hari ng Aksyon," kung saan makikita ang pagdalo ng mga tagasuporta kahit na may banta ng COVID-19.
'Lagi ka sa aming puso at ala-ala'
— WILLIEBOYBLUE (@WILLIEBOYBLUE4) December 13, 2020
" FERNANDO POE JR. "
Ngayon Dec.14,2020 ang ika 16th death anniversary ni FPJ " DA KING" Fernando Poe Jr. @SenGracePOE#SusanRoces#GracePoe
???? (12142018) pic.twitter.com/e3MbQlvaSC
'Lagi ka sa aming puso at ala-ala'
— WILLIEBOYBLUE (@WILLIEBOYBLUE4) December 13, 2020
" FERNANDO POE JR. "
Ngayon Dec.14,2020 ang ika 16th death anniversary ni FPJ " DA KING" Fernando Poe Jr. @SenGracePOE#SusanRoces#GracePoe
???? (12142018) pic.twitter.com/Ex7y3XxL8J
Iniwang legacy
Tubong Maynila sa amang si Ronald Allan "Ronnie" Kelley Poe, isa ring aktor, at inang si Elizabeth "Bessie" Kelley, isang Irish-American, ipinanganak si FPJ noong ika-20 ng Agosto taong 1939.
Bagama't hindi nakatapos ng kolehiyo, una suiyang nagtrabaho bilang "messenger boy" sa industriya ng pelikula hanggang nabigyan ng mga acting roles.
Nasa 14 taong gulang pa lang siya nang mabigyan ng unang starring role para sa pelikulang "Anak ni Palaris," ngunit unang nakatikim ng kasikatan sa kanyang 1956 film na "Lo' Waist Gang."
'Di lumaon, itinayo na rin niya ang FPJ Productions noong 1961 at nagtayo rin ng iba pang film companies. Nagsimula na rin siyang mag-direct ng sarili niyang mga pelikula sa mga alyas na D'Lanor at Ronwaldo Reyes.
Ilan sa kanyang award-winning movies ay ang "Mga Alabok sa Lupa" (1967), "Asedillo" (1971), "Durugin si Totoy Bato" (1979), "Umpisahan Mo, Tatapusin Ko" (1983) at "Muslim .357" (1986).
Isa rin sa kanyang pinakatanyag na proyekto ay ang pagganap bilang "Flavio" sa serye ng mga pelikulang "Ang Panday."
Pinarangalan din si Poe bilang "Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas" noong Mayo 2006 sa ilalim ni Arroyo, bagay na nakumpirma sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2012 sa pamamagitan ng Proclamation 435, s. 2012.
Tumatakbo pa rin sa ABS-CBN ang teleseryeng "FPJ's Ang Probinsyano" ngayong 2020, na siyang ibinase sa lumang pelikula ng aktor. Si Coco Martin ang gumaganap sa papel na "Cardo Dalisay" na noo'y hawak ni Da King.
Ngayong Disyembre, ipapalabas naman ang mga pelikula ni FPJ sa sari-saring television channels at social media pages ng ABS-CBN bilang paggunita sa kanyang ambag sa pelikulang Pilipino.
Bilang pagbibigay-pugay sa nag-iisang "'Da King," bubuhayin muli ng ABS-CBN ngayong Disyembre ang mga pelikula ni Fernando Poe, Jr. na mapapanood sa A2Z Channel, CineMo, iWantTFC, at Jeepney TV Facebok page.
— ABS-CBN PR (@ABSCBNpr) December 12, 2020
Mabuhay ang 'Da King! pic.twitter.com/brv0BpgEFw
- Latest