MANILA, Philippines — Anong mararamdaman mo kung celebrity pala all this time ang kumukuha, nagluluto at naghahatid ng pagkain mo sa restawran? 'Yan kasi ang ginawa ng "unkabogable" star na si Vice Ganda kamakailan na labis ikinagulatan ng ilang customers.
Sa kanyang Youtube vlog, Miyerkules, sinubukan ni Vice ang buhay ng mga service crew sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic — bagay na may kaakibat na peligro sa dami ng kinahaharap na tao.
"Sa araw na ito ay haharapin ko ang isang hamon na maging isang service crew ng isang fast food chain," ayon sa komedyante, na labis sumikat bilang host ng "It's Showtime."
Halos 1.8 milyon na ang Youtube views nito at #11 trending sa Pilipinas habang isinusulat ang artikulo na ito.
Una niyang minanduhan ang takeout counter ng isang sikat na kainan sa Pasig na inihaw na manok ang specialty.
Napakarami pa namang bumibili ngayon ng pagkain sa pamamagitan ng takeout para na rin makaiwas sa kumpulan ng tao na madalas pagmulan ng hawaan ng COVID-19.
"I received P1,000," sabi ng aktor matapos kunin ang order ng isang ale.
"Anything else ma'am?" ani Vice. "Pwedeng pa-picture?" tanong ng customer.
"You're Vice Ganda, right?" nagugulumihanang tanong naman ng isang customer.
Hindi na rin niya napigilang magpatawa ala-comedy bar sa mga customer habang naghahatid ng unlimited rice sa mga ngumangata ng manok. Bongga.
"Kanin pa po? Oh, magsaing ka ro'n," joke niya sa babaeng hagalpak ang tawa habang kumakain.
Tiniyak naman nilang sumailalim muna sa RT-PCR swab test si Vice, kanyang network staff at nobyong si Ion Perez bago ginawa ang naturang proyekto. — James Relativo