^

PSN Showbiz

Bokalista na nag-inarte at nagsuplado sa ibang bansa, ‘di na nakaulit ng raket

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nu’ng kaitaasan ng kasikatan ng bokalista ng isang banda ay kinuha ng isang Pinoy producer ang kanilang grupo para magtanghal sa ibang bansa.

Sa pakikipagkomunikasyon pa lang sa banda ay parang duduguin na ang kababayan nating producer. Napakahirap kunong kausap ng bokalista.

Meron naman silang manager, pero natunugan ng producer na hindi naman ito ang nasusunod, kundi ang bokalista ng banda. Siya ang maraming ipinababago, siya ang kung anu-ano ang hinihingi sa prodoo.

Kuwento ng aming impormante, “Iisa lang ang sinabi ng kababayan nating kumuha sa serbisyo nila, never again, tawasin man daw siya nang ilang beses, e, hindi na niya kukunin pa uli ang bandang ‘yun!

“Okey raw naman ang mga members ng banda, pero ang bokalista nila, super-arte! Napakaraming reklamo, ang dami-daming hinihingi na parang binibili na sila ng producer, samantalang dalawang gabi lang naman ang performance nila!” inis na kuwento ng aming source.

Ang usapan ay mag-iikot ang banda sa buong downtown ng nasabing bansa para malaman ng mga kababayan natin du’n na dumating talaga sila.

“Kailangan talagang makita sila ng mga Pinoy, mahalaga ang motorcade, marami kasing pekeng producers! Sasabihing darating ang entertainer, pero hindi naman pala!

“Sa unang araw, e, pumayag naman ang bokalista, todo-kaway pa siya habang ginaganap ang motorcade, kumita ang show nila dahil magaling naman talaga siya, impernes!

“Tuwang-tuwa siyempre ang prodoo, kumita ang show, nakabawi siya sa puhunan! Marami na rin kasing naluluging show ang Pinoy producer, pero nakabawi siya!” patuloy na kuwento ng aming source.

Kinabukasan, kailangang maaga sa airport ang grupo, lilipad na kasi sila sa isa pang city para du’n naman sila mag-perform. Nandu’n na ang lahat, pero wala pa rin ang bokalista, mukhang natutulog pa sa hotel.

Sabi uli ng aming source, “Tumawag ang bokalista sa manager nila, bakit daw siya iniwan, kailangan daw siyang sunduin sa hotel! Inis na inis ang producer, siyempre, dahil ang bokalista na nga ang nagpabaya, e, siya pa ang galit!

“Hindi na siya kumibo, ni hindi man lang ngumingiti, hanggang sa makara­ting sila sa place para sa second night concert nila. As in, palaging nakasima­ngot ang bokalista!

“Hanggang sa motorcade, nakasimangot pa rin siya, nagbago na lang ang timplada niya nu’ng start na ng show! Kumita uli ang producer, dinayo ng mga kababayan natin ang concert, hindi siya nalugi!

“Pero kahit pa, sa susunod, e, hinding-hindi na niya uli kukunin ang bokalista, tama na ang pagdurusang natikman niya! Kung makakakita nga siya ng kawayan, e, baka pinalo na niya ang star of the show dahil sa ginawang kasupladuhan at pag-iinarte sa show!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Raffy ayaw magpatawag

ng lolo, mag-uumpisa na rin ng drama anthology

Ibang-iba ang kaligayahang nararamdaman ngayon ng sikat at mapusong news anchor-komentaristang si Raffy Tulfo. May apo na kasi sila ni Congresswoman Jocelyn, pero ayaw niyang magpatawag ng lolo, Popsie lang daw dapat ang itawag sa kanya ng una nilang apo.

Nanganak na ang kanilang panganay na si Maricel, ang resident lawyer ng Wanted Sa Radyo at Idol In Action na si Attorney Garreth Tu­ngol ang kanilang manugang, nakasentro ang atensiyon nila ngayon kay Baby Grayson.

“Iba. Ibang-iba pala ang feeling kapag may apo ka na,” agarang komento ng matapang na news anchor. “Totoo ang sabi na mas matimbang pala ang tubo kesa sa puhunan!”

Ayon sa matulunging TV host ay may hatid na suwerte raw sa kanilang pamilya si Baby Grayson dahil mula nang ipanganak ang kanyang apo ay sunud-sunod nang dumating ang mas marami pang biyaya para sa kanila.

Plantsado na kasi ang proyekto niyang Idol Shopping Network, ang tinaguriang palengke ng masa, ilang panahon pa at magsisimula na ‘yun na napakalaking tulong ang ibibigay sa ating mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Ang kikitain sa nasabing proyekto ang pagkukunan naman ng pondo para sa ipatatayo niyang eskuwelahan na walang matrikula ang matatalinong kabataan na walang pangtustos ang mga magulang sa kanilang pag-aaral.

Magsisimula na rin ang kanyang drama antho­logy, ang magaganda at kontrobersiyal na kuwentong ikinakarga sa kanyang mga programa ang pagkukunan ng mga istoryang ipalalabas, kaya halos wala na talaga siyang pahinga ngayon.

Walang makakokontra, panahon ngayon ni Raffy Tulfo, nasakop niya na ang mundo ng telebis­yon ay siya pa ang itinuturing na hari ngayon ng social media dahil sa halos dalawampung milyong tumututok sa kanyang YouTube Channel.

RAFFY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->