Sa Biyernes, December 11, bale 28th wedding anniversary na nga pala nina Congresswoman Vilma Santos at Senator Ralph Recto. Pero kahit na sabihing 28 years lamang silang kasal, ang totoo ay 35 years na silang nagsasama. Lumipas muna ang pitong taon bago sila ikinasal sa San Sebastian Cathedral sa Lipa City.
Tahimik lamang si Ate Vi tungkol sa kanilang magiging celebration, “definitely very private at sa family lang namin. Aaminin ko na, ayokong lumabas ng bahay. Takot ako talaga sa COVID. Dito nga sa bahay basta may narinig lang akong umubo o sinipon, alarmed agad ako. Sinasabi ko nga kailangan ang mag-ingat nang husto kung gusto ninyong magkasamasama pa tayo nang matagal,” sabi ni Ate Vi.
Pero ang fans ni Ate Vi, akala mo may malaking okasyong magaganap. “Alam mo naman ang mga Vilmanian, bahagi na talaga iyan ng buhay ko. Iyong birthday ko rin ang saya-saya ng celebration nila, pero ako nasa bahay lang dahil takot nga akong lumabas. Aywan ko ba kung bakit ganoon ang naging feeling ko. Last week lang, iyong isang dating kasama namin sa Lipa, kasama ko hanggang maging governor ako, at kahit ngayon, nabalitaan ko na lang na nawala na dahil sa COVID. Kaya sinasabi ko nga kailangang mag-ingat. Basta may narinig akong umubo, sinasabihan ko na agad, pumunta ka sa doctor. Kaya dito sa bahay walang puwedeng umubo o sipunin. Magpapadoktor ka o magbabakasyon ka muna,” kuwento pa niya.
Papaano ang anniversary nila ni Senator Ralph?
“Hindi lang 28 eh, 35 years na kami. Ano pa ba naman ang magbabago? Iyong usual na ginagawa namin, lumalabas lang kami with the family, pero ngayon dahil sa COVID, wala nang lalabas. Siguro we will prepare food na lang sa bahay, iyong something different naman. Tapos usually basta ganyan nandito naman sina Luis (Manzano) at Ryan, together with their “visitors.” We just have dinner, kuwentuhan, ganoon lang. Kinabukasan is another working day na naman, kasi kahit na nasa bahay naman ako dala ko rin ang trabaho ko. Nag-aattend din naman ako ng sessions via Zoom. Ganoon din ang trabaho, hindi nga lang ako lumalabas ng bahay,” kuwento ni Ate Vi.
GMA kasado na ang pagbabayad sa netizens
Sisiguruhin daw ng GMA na magkakaroon ng pagbabago ang kanilang pagkalap ng mga balita sa tulong ng private citizens, at tiniyak na nila ngayon na mababayaran ang efforts ng mga tutulong sa kanila. Kasunod iyan ng pagbanat sa kanila ng netizens na nagamit nila sa kanilang news programs pero hindi sila binabayaran samantalang bilyon ang kinikita ng network.
Nagsimula iyan sa ideya na mapapalawak ang pagkalap ng balita, dahil kahit na sino ngayon makakapag-video gamit ang cellphone, at maipapadala sa mga network sa pamamagitan ng data. Hindi lang naman GMA ang gumawa niyan, kahit na ang ibang networks.
Noong una, ang sinasabi kung magagamit ang video at kuwento nila, pinapadalhan sila ng “load” kaya marami ang nawili. Tapos may pagkakataon namang nakikita ang kanilang pangalan sa video na ipinalalabas sa TV, at siyempre feeling sikat sila dahil doon. Hanggang may nakaisip na ngang “kumikita ang network, pero walang bayad ang kanilang efforts.”
Mabuti naman nabuksan iyan. Ngayon ang lahat ay sinasabi ngang ilalagay na sa ayos.
Male star, mas malaswa ang ginagawa sa binebentang video
Hindi na raw dapat ginagawang publisidad iyong may male star na “nagpasilip” sa isang pelikulang bold, kasi ang male star na iyon ay talagang nagpapabayad kahit na kanino, nagpapa-video siya na gumagawa ng kalaswaan sa pamamagitan ng video calls.
Ang bayad sa kanya, ipinadadala muna sa pamamagitan ng money transfer. Ang totoo raw mas mahalay pa ang ginagawa niya sa video kaysa sa ginawa niya sa pelikula.