Tuloy pa rin pala ang singing career ni John Rendez na hindi maiwasang nakokonek pa rin kay Nora Aunor.
Si Ate Guy ang tumatayong manager nito at nakatatlong single na pala siya na niri-release ng Star Records.
Ang huli niyang ginawang kanta na kari-release lang ay ang Think About It na nasa Spotify na ngayon, iTunes at iba pang digital platforms.
Nakapanayam namin ang singer noong nakaraang Biyernes sa aming radio program sa DZRH dahil pinu-promote na nito ang Think About It.
Kinumusta namin sa kanya kung gaano ka-supportive sa kanya ang original Superstar.
“She’s the boss.
“Kumbaga, if the boss is happy, everybody’s happy,” pakli niya.
Dire-diretso na ang mga sinasabi at makahulugan na ang iba niyang pahayag.
“Gusto ko lang siya magiging masaya sa nakikita sa career ko.
“Ako rin gusto ko rin magiging maganda ang career ko. Para ipakita sa mga tao na yung mga sinasabi nila na…ang mga tao kasi, matagal na sana akong sumuko kung nakikinig lang ako sa mga sinasabi nila eh.
“I don’t care about they think. I don’t care about they say kasi hindi naman sila ang bumubuhay sa akin, wala naman silang support sa akin.
“So, dito ako sa kung sinong gusto kong kakaharapin ko through thick and thin, walang iwanan.”
Hindi na namin sinundan pa ng nakakaintrigang tanong. Pero naloka naman kami sa matindi niyang pahayag nang tanungin namin tungkol sa pagiging National Artist ni Ate Guy.
Muling nominado ngayon ang multi-awarded actress, dahil automatic na siyang nasa talaan ng nominees gawa ng dalawang beses na siyang na-nominate.
Hiningan namin ng opinyon si John tungkol sa nomination ng pagiging National Artist ulit ni Nora.
“Kung ako sa kanya, ibigay sa akin, hindi ko na tatanggapin. Tatanggihan ko na lang, Hindi ko na kailangan yan. Kilala ko na ang sarili ko,” diretso niyang pahayag.
Sinabi naming naintindihan namin kung ganu’n ang sentimiyento niya dahil dalawang beses nang naudlot ito na ikinagalit ng mga Noranians.
“Diyos na po ang bahala du’n,” sabi na lang ni John.
Phillip, wish makatrabaho si John Lloyd
Iba rin ang pakiramdam ni Phillip Salvador nang bumalik na siya sa pag-arte dito sa MMFF entry nilang Isa Pang Bahaghari.
Ayaw daw sana niyang tanggapin ito pero pinakiusapan siya ni direk Joel Lamangan na basahin muna ang script at na-impress siya kaya tinanggap na niya ang naturang project.
Noong mag-shoot na raw siya, nanibago raw siya at medyo nangapa.
“Working with Ate Guy, working with direk is like going back to school.
“First two days ko parang nangangapa pa ako. Alam mo ‘yung iniisip mo ‘yung mga ginagawa mo, ‘yung mga nuances mo na bagay du’n sa character mo. Iniisip mo lahat ‘yun.
“Nandiyan naman si direk na inalalayan kami. Kung makita mo ‘yung movie, kapag makita mo yung eksena ng isa, nakasuporta lang talaga yung dalawa.
“Wala kami nu’ng agawan ng eksena. Wala kami nu’n,” pahayag ni Kuya Ipe pagkatapos naming mapanood ang naturang pelikula sa press preview noong nakaraang linggo.
Pero ang isa sa nagulat siya ay magagaling na rin daw ang kabataang artista ngayon.
Kasama nila sa pelikulang ito sina Zanjoe Marudo, Joseph Marco, Sanya Lopez at Albie Casiño.
“Si Zanjoe Marudo, talagang taas ang kamay ko. First time ko siyang makatrabaho at ‘yung bata walang kayabangan sa katawan. What you see is what you get, very professional. Masaya kami sa set,” bulalas ng premyadong aktor.
Dahil dito naengganyo na siyang bumalik sa paggawa ng pelikula at gusto raw niya sanang makatrabaho ang iba pang magagaling na batang artista at ang mga dati niyang nakatrabaho.
“Gusto ko makatrabaho si John Lloyd (Cruz). Nakatrabaho ko siya sa TV nu’n, never in a movie.
“I’d like to work with Christopher de Leon again, Tirso Cruz III, ‘yung magagaling na artista, kay Vilma Santos. Kung puwede lang, pero direktor lang siya ngayon, si Gina Alajar,” pahayag ni Phillip Salvador.