Aktres, super tanggap ang kapalaran kahit barya-barya na lang ang kinikita

Sapat-sapat lang ang kinikita ngayon ng isang popular na babaeng personalidad. Kumpara sa kanyang inabot na katanyagan na limpak-limpak na salapi ang kanyang hinahawakan ay literal na barya-barya lang ang kinikita niya ngayon.

Pero wala ngang forever. Walang pangha­bampanahon. Nagbabago ang ikot ng mundo, may mga nawawala, ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap.

At sa aspetong ‘yun sinasaluduhan ng kanyang mga kapwa artista at katrabaho ang dating napakaningning na bituin ng pelikula at mundo ng musika.

Kuwento ng aming kausap, “Wala siyang ilusyon. Tanggap niya na hindi na siya ang dating artistang pinagkakaguluhan ng publiko. Sa totoo lang, wala pang sumikat nang todo na tulad niya.

“Ibang klase ang popularity niya, kinabog niya ang mga nagrereyna-reynahang mestisa. Grabe ang pag-idolong ibinigay sa kanya ng mga kababayan natin,” litanya ng ­aming impormante.

Sa kanyang sitwasyon ngayon na hindi na tulad nang dati ay nagtatrabaho pa rin siya. Mahal na mahal niya ang propesyon niya.

Patuloy ng aming kausap, “Natural lang na i-screen din niya ang mga projects na tinatanggap niya. Tama naman ‘yun, hindi naman siya patakbuhing artista.

“Naabot niya ang pinakamataas na popularity, wala pang nakagagawa nu’n, siya lang. Hindi niya sasayangin ang naitanim niya sa industriya. Pero napakadali niyang kausap, hindi niya pinahihirapan ang producer at buong production, marunong siyang makisama.

“Wala siyang ‘O, si ganito ako, kailangang bigyan n’yo ako ng special treatment.’ Walang-wala siyang ganu’n. Kung ano ang meron, okey lang siya, walang kaarte-arte.

“Saka very supportive siya sa mga katrabaho niya, binibigyan niya ng payo ang mga kaeksena niya, lalo na ang mga baguhan. Hindi siya maramot. Isine-share niya ang talent niya.

“May mga artistang kapag nababawasan na ang ningning, e, depressed na. Hindi na alam ang gagawin. Pero itong si ____(pangalan ng may titulong female personality), parang wala lang sa kanya kung meron mang mga dumating na artistang sikat na sikat.

“At naman! Napapatunganga na lang ang mga kaeksena niya kapag nag-umpisa na siyang umarte. Nandu’n pa rin ang magic niya, lalo na ang mga mata niya na kahit walang dialogue, e, panalung-panalo pa rin!

“Napakahalaga talaga ng acceptance, kung lahat ng mga artistang sumikat at medyo hindi na masyadong maningning ang bituin, e, tulad niya, walang magiging problema.

“Super pa rin ang acting niya, super pa rin kung makisama siya, nag-iisa lang siya!” papuri pa ng aming kausap.

Ubos!

April Boy nailibing na, Madel Grumabe ang lungkot paghatid sa libingan

Ngayon ang unang umagang gumising si Madel de Leon na hindi na babalik pa ang kanyang asawa nang apatnapu’t isang solidong taon.

Ihinatid na kahapon sa kanyang hantungan si April “Boy” Regino, mga anak na lang nila ang kasama ngayon ni Madel, nag-uwian na ang mga nakikiramay sa kanila.

Sa madalas naming pag-uusap ni Madel ay pinaghanda na namin siya sa unang umaga pagkatapos ng libing. ‘Yun ang pinakamasakit. ‘Yun ang parang patalim na tutusok sa kanyang puso.

Wala na ang nakaupo sa isang silya sa kanilang hapag. Wala na ang boses na umaga pa lang ay naririnig na niya. Wala na ang lahat.

Sabi sa amin ni Madel kahapon bago inilibing ang kanyang mister, “Totoo po pala na habang papalapit na ang oras ng libing, du’n mas lumalalim ang lungkot.

“’Yun na kasi ang huli. Paggising naming mag-iina kaninang umaga, nagkatinginan kaming tatlo. Wala pong salitaan. Nagyakapan lang po kami.

“Ilang oras na lang po kasi, sa ayaw at sa gusto namin, kahit napakasakit pong dalhin, e, ililibing na si April. Napakasakit po,” umiiyak na kuwento ni Madel.

Sharon malaki ang partisipasyon sa mga kanta ni April Boy

Aminado si Madel Regino na sa haba ng inilakbay ng pakikipaglaban ni April Boy sa pagkakasakit ay matinding epekto ang nagawa nu’n sa kanilang kabuhayan.

Gusto niyang paulit-ulit na pasalamatan si Willie Revillame na hindi nang-iwan sa kanila. Mula nang magkasakit si April Boy, magpaopera ng mga mata, hanggang nang pumanaw na ay napakalaki ng suportang ibinigay sa kanila ni Willie.

At nais magpahabol ng pasasalamat ng pamilya ng Jukebox Idol sa kanilang idolong si Sharon Cuneta.

Pahabol ni Madel, “Malaki po ang part ni Ms. Sharon sa mga composition ni April. Siya po ang dahilan kung bakit na-compose ni April ang Sana’y Laging Magkapiling.

“Idolo po siya ng pamilya namin. Maraming-maraming salamat po sa malaking tulong na ibinigay niya sa amin,” pasasalamat ni Madel Regino sa Megastar.

Show comments