Ang latest na lumabas na balita kahapon, inaprubahan na raw ng IATF ang mga seminar at workshop na gagawin sa hotels o restaurants.
Maaaring may mga limitation lang pero ang ibig sabihin nito, puwede nang magpa-presscon ng face-to-face.
May mga mangilan-ngilang nagpapa-lunch o merienda sa restaurant pero konti lang talaga, dahil hindi pa rin puwede ang maramihan sa isang function room.
Kung sakaling okay na nga ito sa IATF, maaaring puwede nang magpa-presscon ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2020.
Nagsisimula na nga ngayong mag-promote ang sampung pelikulang kalahok, pero ang karamihan ay nasa Zoom lang. Marami pa ring nahihirapan sa virtual mediacon dahil sa hindi naman ganun ka-okay ang internet service dito sa atin.
Mas gusto pa rin talaga ng karamihang press ay face to face basta nag-iingat lang habang ipinapatupad ang safety protocols and guidelines.
Dinaluhan ko ang press preview ng Isa Pang Bahaghari noong nakaraang Huwebes ng hapon, sobrang ingat ng mga taga-Heaven’s Best na tiniyak nilang hindi magsama-sama lahat sa isang studio.
Dumalo pa nga roon si Phillip Salvador na kinuwento niya sa aming kagagaling lang daw niya ng swab test pero hinihintay pa raw niya ang resulta. Sure na sure naman daw siyang negative siya dahil sobrang nag-iingat din siya.
Pero doon sa press preview ay mapapraning ka pa rin sa kuwentong COVID-19 dahil doon na rin ikinuwento ni direk Joel Lamangan kung paano niya hinarap at dinala ang COVID 19 kaya hindi na niya nagawa ang Christmas serye ng TV5 na Paano ang Pasko. “Nagpagamot ako at nag-isolate. Nag-vitamins, vitamins, vitamins! Tapos, after 14 days nagpa-swab test na naman ako…negative ohhh!” bulalas ni direk Joel na kaswal na kaswal na pinag-usapan ang experience niya sa COVID-19.
Maingat naman daw sila bahay, na kung saan doon lang daw siya sa taas ng bahay nila siya naka-quarantine. “Vitamins, rest, at positive thinking. Sabihin mo, mani-negative ako!” dagdag niyang pahayag, at sinabi pa niyang hindi raw siya nakaramdam ng takot. “Mas masahol pa roon ang sakit ko. Inatake na ako sa puso. Hindi naman ako namatay! Diyos ko! Ang COVID…” sabi pa niya.
Pagkatapos niyang magkasakit, tumuloy na siya sa shooting ng Anak ng Macho Dancer at meron pa siyang sisimulang drama serye sa Net 25 ng Iglesia ni Cristo.
Sa ngayon ay tumutulong siya sa promo ng Isa Pang Bahaghari na pinuri ng lahat na nakapanood. Agree nga ang karamihan sa sinabi kong mas maganda ito kesa sa obra niyang Rainbow’s Sunset, at talagang ensemble acting na sinasabi nga ni Kuya Ipe, wala raw sapawan sa kanila rito.
Cong. Atienza may hinaing sa batas na maging milyonaryo ang edad 101
Sa ngayong panahon ng pandemic, ang medyo mahirap talagang magtrabaho ay ang senior citizens na hindi pa rin muna pinapayagang magtrabaho sa taping at shootings. Mabuti ang kay Nora Aunor dahil pinayagan ng IATF na tapusin niya ang taping niya sa Bilangin ang Bituin sa Langit.
Sabi nga ng Program Manager nitong afternoon drama na si Anthony Pastorfide; “Nagpa-check muna kami kung physically fit siya. We have to talk to her doctor. So, okay naman siya. But still doon sa set, kailangan bantayan pa rin yung health niya and extra careful kasi di ba senior citizens yung pinaka-prone yung infection sa COVID. So, kailangan naming bantayan lahat yung galaw.” Nairaos nila ang taping na negative ang lahat.
Sa panahon ngayon, bukod sa minors, kailangan din talagang bigyan ng proteksyon ang mga senior citizen.
Kaya natuwa kami sa adbokasiya ng Buhay Party-list at Deputy Speaker Lito Atienza, ang Buhay Hayaang Yumabong.
Isa sa gusto niyang bigyan ng atensyon ay ang House Bill 1107 o Pilipino Milyonaryo na kung saan ang isang senior citizen na umabot sa edad 101 ay makakatanggap ng isang milyong piso. Sa ngayon kasi, kapag umabot ng 100 years old ang isang senior citizen, automatic may P100K ito.
Pero dito sa bill na ito ay oras na malagpasan ng isang senior citizen ang 100 years old, makakatanggap ng isang milyong piso. “Ang bawat Pilipino, maaaring maging milyonaryo. Umabot lang kayo ng 101, you get one million pesos bonus. It will serve as an incentive for our senior citizens to prioritize their health, and more importantly, for their family and relatives to take really good care of them, all the way to the age of 101,” pahayag ni Cong. Lito nang makapanayam namin sa isang pananghalian noong nakaraang Huwebes.
Isa lamang ito sa maganda niyang ideya para mabigyang proteksyon ang ating mga senior citizen.
Tumuntong na si Cong. Lito sa edad 79 at proud siyang meron na siyang 19 na apo at isang apo sa tuhod.
Kaya masaya na siya sa mga na-achieve niya bilang public servant, kaya nakini-kinita na niya ang retirement sa 2022 elections.
Pero patuloy pa rin siya sa pakikipag-ugnayan sa taumbayan. Araw-araw kasi ay napapanood siya sa kanyang Facebook live program na Buhay Mahalaga na nagsisimula ng alas-dos ng hapon hanggang alas-tres.