MANILA, Philippines — Hindi na ginawang itago pa ng batikang direktor na si Joel Lamangan ang pinagdaanang pagsubok kamakailan, matapos aniya dapuan ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19) bago simulan ang proyektong tinanggap na niya noon para sa TV5.
Ito ang kanyang ibinahagi sa press, Huwebes, matapos ang ginawang preview para sa pelikula niyang "Isa Pang Bahaghari" — bagay na entry para sa 2020 Metro Manila Film Festival.
"Hindi naman ako nagtatanggi," kanyang pag-amin sa media kahapon.
Si Joel sana ang nakatakdang mag-direct ng Kapatid serye na "Paano ang Pasko?" na pinagbibidahan nina Maricel Laxa, Julia Clarete, Beauty Gonzalez, Ricky Davao, atbp.
Aniya, naunsiyami ang pagtratrabaho niya rito matapos ang isinagawang RT-PCR swab test sa kanya. Patungo na sana siya noon sa lock-in shooting sa Laguna nang bigla siyang nakakuha ng tawag.
"‘Direk, hindi ka pwedeng umalis.’ ‘Bakit?’ ‘Positive ka!’ 'Positive, oo,'" sambit niya.
"Nagpagamot ako at nag-isolate... Naggamot ng vitamins, vitamins, vitamins! Tapos, after 14 days, nagpa-swab na naman ako... Negative!"
Dagdag pa niya, sa bahay lang niya ginawa ang 14-day quarantine. Wala naman daw siyang nahawa ng COVID-19, maliban na lang kay Jim Pebanco na kanyang long-time jowa.
Wika niya, nasa itaas lang siya ng bahay noon at bawal umakyat ang iba.
Bagama't senior citizen na at high-risk sa malalang kaso ng COVID-19, ibinahagi niya na malaki raw ang naitulong ng pagkakaroon ng optimistikong pananaw sa buhay.
"Hindi [ako natakot sa COVID-19]. Mas masahol pa roon ang sakit ko. Inatake na ako sa puso," saad pa niya.
"Hindi naman ako namatay! Dyusko! Ang COVID."
Bagama't kagagaling lang mula sa kinatatakutang virus, hindi natiis ni direk ang tawag ng showbiz at agad bumalik sa unang araw ng shooting ng "Anak ng Macho Dancer" nitong ika-3 ng Nobyembre: "Aba! Sayang naman ang datung, ‘Day!"
Kilala ang naturang aktor para sa kanyang mga award-winning movies gaya ng "The Flor Contemplacion Story," "Sidhi," "Deathrow," "Hubog," "Aishte Imasu 1941," Blue Moon" at "Mano Po." — James Relativo