Karla, ipapasa na kay Daniel ang paghawak ng pera
Ayon kay Karla Estrada ay maaari nang magretiro mula sa pagtatrabaho ang panganay na anak na si Daniel Padilla pagkalipas ng isang dekada. Ngayon ay dalawampu’t limang taong gulang na ang aktor at marami na itong naipon. “Mayroon naman siyang savings niya na, he’s good, he’s good kahit hindi na siya magtrabaho kahit hanggang apo niya. Nagtabi na tayo,” makahulugang pahayag ni Karla.
Ang aktres ang nangangalaga sa perang mga kinikita ni Daniel simula noong pumasok sa show business ang aktor. “Ako lang nagha-handle lahat ng pera niya. Kasi kung ano man ang gastos namin ay para ‘yon sa lahat. Importante ay may natabi sa kanya. Hindi siya palahingi. Hindi ‘yon humihingi ng pera, ng cash pero mag-alala ka na kapag ‘Ma!’ iba-ibang tono ‘yan, kapag ‘Hi! Ma,’ Naku! Patay tayo diyan. ‘Oh! Ma, may darating na sasakyan.’ Hindi siya humihingi pero kapag humingi siya, kumapit ka na sa pader,” nakangiting kuwento ng Magandang Buhay host.
Ngayon ay plano ni Karla na ipaubaya na kay Daniel ang paghawak ng sarili nitong pera. Gusto lamang umano ng aktres na matuto ang anak. “Siya na ang paghahawakin ko ng mga pera niya para maramdaman niya ‘yung feeling na kapag nahawakan niya tapos babawasan niya ng ganito kalaki, mararamdaman niya ‘yung feeling na, ‘Ay! Sayang!’ Di niya kasi hawak kaya it’s easy for him na, ‘Ma! Bayaran mo ito! ‘Ma, may kukunin akong ganito.’ I sometimes say no parang, ‘Anak, alamin mo muna kung maganda bang klase ‘yon.’ Siyempre ‘yung ganyang age, ‘Pare, ang ganda ng motor na ganito.’ May motor siya, nasa blood nila ‘yon, mga action star din sila sa Padilla,” pagbabahagi ng aktres.
Kokoy, buhos ang blessings kahit pandemya
Magsisiyam na buwan na ang nakalilipas mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. Hindi naman umano naapektuhan ng pandemya ang career ni Kokoy de Santos dahil kabi-kabila ang ginagawang proyekto nito.
Bukod sa iba’t ibang digital movies na nagawa ay napapanood din ang aktor sa mga programa ng TV5. “Sobrang thankful ako. Blessed talaga kung ‘yon ‘yung salitang makakapag-describe ng iniisip ko. Sobrang overwhelming. Kasi sino ba naman makakaisip kung kailan may pandemya ay magkakaroon ng proyekto. At hindi lang isa, hindi dalawa. ‘yung nabibigay na blessings ni Lord talaga namang iba. Ibang klase kaya salamat. Salamat kay Lord talaga,” nakangiting pahayag ni Kokoy.
Naninibago lamang ang aktor dahil sa isinasagawang lock-in taping ngayon bilang pagsunod sa TV at movie production safety protocols. Malayung-malayo raw kasi ito sa normal na ginagawa noong nagsisimula pa lamang sa industriya si Kokoy.
Nang mag-lockdown ay naranasan din ng binata ang work from home o sa bahay mismo kinukunan ang mga eksena sa pelikula. “Nakakapanibago kasi on set na talaga at lock-in. Talagang iba ‘yung dating compared do’n sa shoot from home, work from home,” pagtatatapos ng binata. (Reports from JCC)
- Latest