Male personality na magaling manulot ng talent, sinisingil ng mga inutangan

Ayon sa mga nagmamasid lang ay dapat nang magtayo ng recruitment at talent agency ang isang kilalang male personality.

Magaling kasi siyang gumawa ng paraan para makalundag sa ibang bakuran ang mga artista at singers. Siya ang nagsisilbing tulay.

Tawa nang tawang kuwento ng isang impormante, “Napakagaling niyang manulot! Sulutero nga ang tawag sa kanya ng iba. Madali siyang lapitan, kapag gusto nang lumipat ng network ang mga kasamahan niya, e, palagi siyang ready para mamagitan.

“Yes! Siya talaga ang tumatayong tulay, para siyang owner ng isang talent agency na ang galing gumawa ng paraan. Palagi siyang may linya para sa mga personalities na nangangailangan ng trabaho,” unang kuwento ng aming source.

Hindi naman siya kumukuha ng komisyon, wala siyang kinukuhang kaltas sa kung magkano mang tatanggapin ng na-recruit niya, hindi raw naman kasi siya manager.

“Pero may kuwentong lumabas na nag-advance siya sa producer niya ngayon, di ba? Milyon ang sinasabing inutang niya para maipambayad niya ng mga pagkakautang niya.

“Hindi pa pala kasi siya nakapagbabayad sa mga utang niya, marami nang naniningil siyempre sa kanya dahil ang tagal-tagal na nu’n, pero hindi pa rin siya nakababayad.

“So, ang kuwento, e, nag-advance siya sa bilyonaryo niyang producer, ibabawas na lang daw ‘yun sa talent fee niya. Siguro naman, e, makapagbabawas na siya sa kautangan niya ngayon dahil marami naman siyang raket!

“Kasi naman, sobrang nagpabongga siya nu’n, milyones ang ginastos niya para lang sa isang okasyon na puwede namang simple lang, pero pinasok niya!

“Ayan ngayon, sinisingil na siya ng mga taong inabala niya, pero ang palagi niyang sinasabi, e, may ibinebenta raw siyang property na pagkukunan niya ng pambayad niya.

“Pero nagpandemya, kaya meron na naman siyang naging dahilan, mahirap kunong magbenta ngayon ng property dahil iniipit ng mayayaman ang pera nila.

“Hay, naku, magbenta na lang kaya siya ng relo? Simple lang naman ang ipampupuhunan niya, ‘Joe, wanna buy watch?’ lang!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Isa pang kapatid ni April Boy mahina na rin ang kidney, buong pamilya may diabetes

Pare-parehong ipinanganak sa buwan ng April ang magkakapatid na April Boy, Vingo at Jimmy. Du’n nila kinuha ang pangalan ng sumikat nilang grupong April Boys.

Pagkatapos ng kanilang mga kantang niyakap ng publiko ay nagsolo na si April “Boy” Regino, nagkaroon ng kontrobersiya ang kanilang paghihiwalay, maraming taon ang lumipas bago sila uli nagkasundo.

Nasa Amerika sina Vingo at Jimmy, naiwan sila du’n nang magdesisyon nang bumalik sa Pilipinas ang pamilya ng kanilang kuya, kumakanta-kanta pa rin sila pero meron din silang negosyo.

Naglabas ng kanyang saloobin si Vingo sa pagpanaw ng kanyang Kuya April, ginawa niya ang dire-diretso niyang pagsasalita sa pagitan ng pag-iyak sa loob ng kanyang kotse, para malaya niyang mailabas ang kanyang nararamdaman.

“Napakabait ng Kuya April ko, hindi siya maramot, siya ang tumutulong sa pamilya namin, siya ang sumasagot sa lahat-lahat. Sa mga magulang namin, sa mga kapatid namin, matulungin siya.

“Lahi namin talaga ang pagkakaroon ng diabetes. ‘Yun din ang ikinamatay ng parents namin. Si Jimmy, mahina na rin ang kidney ngayon, 30% na lang ang gumagana. Kung puwede ko lang sanang ibigay sa kanya ang kidney ko.

“Nagkahiwalay kami ni Kuya April ko, masakit ‘yun, pero ngayon ko lang naisip na kung hindi niya kami iniwan ni Jimmy, hindi kami matututong magsikap at tumayo sa sarili naming mga paa.

“Palagi ko siyang kinokontra, ako ang mareklamo, tahimik lang si Jimmy. Pero heto ako ngayon, iyak nang iyak, dahil wala na ang kuya ko. Napakabata niyang nawala, pero ganu’n nga siguro talaga ang buhay, una-una lang tayo.

“Nu’ng bumalik sila dito sa Amerika, e, siya mismo ang nagpunta sa studio ko, nagkausap kami nang masinsinan, nag-bonding kaming tatlo.

“Hanggang sa nalaman ko na lang na nabulag na ang kuya ko, mahina na ang katawan niya, saka inamin niya sa akin na bumaba na raw ang boses niya.

“Sabi ko sa kanya nu’n, e, magpalakas siya para makapag-show pa uli kaming tatlo. Iba ang kuya ko, ang galing-galing niyang mag-compose, mahusay siyang mag-lyrics. Kung melody ang linya ko, ang kuya ko naman, talagang magaling siyang magletra.

“Saka ang boses niya, kanyang-kanya lang ‘yun. Puwedeng gayahin pero hindi kayang mapantayan. Hindi ako makauuwi, puro iyak na lang ang puwede kong gawin sa pag-alala sa kanya.

“Inaalala ko ang pamilya ng kuya ko, lalo na si Ate Madel, forty years na silang mag-asawa, hindi naghiwalay kahit kailan, kaya inaalala ko siya at ang mga anak nila.

“Ipagdasal po natin ang kaluluwa ng Kuya April ko, napakasakit talaga nito sa pamilya namin, totoong-totoo po ang sinasabi niya sa composition niyang hindi ko kayang tanggapin.

“Maraming salamat po sa lahat ng mga nakikiramay, salamat po sa inyo,” dire-diretsong pahayag ng mahal na kapatid ni April “Boy” Regino.

Show comments