Napupunit ang aming puso habang naririnig namin ang humahagulgol na boses sa kabilang linya. Basag na basag, mas naririnig pa namin ang kanyang mga singhot, kesa sa kanyang pagsasalita.
Si Madel de Leon-Regino ang kausap namin, misis ng Jukebox Idol na si April “Boy” Regino, na pumanaw na kahapon nang alas-tres nang madaling-araw sa edad na 59.
Acute respiratory disease-kidney disease stage 5 ang naging dahilan ng kanyang pagpanaw, 854 ang creatinine count niya, kailangan ng isang emergency dialysis ayon sa mga doktor ng Metro Hospital sa Antipolo.
Napakahaba ng naging laban ni April Boy. Taong 2008 ay nagkaroon siya ng prostate cancer, sa Amerika naninirahan ang kanyang pamilya nu’n, matindi ang prosesong pinagdaanan ng isa sa mga poste ng musikang Pilipino.
Kailangan nilang pumila sa ospital nang madaling-araw, tinitiis nila ang malamig na panahon sa paghihintay sa pila, makapananghali na siya naaasikaso sa dami ng mga mas nauna pa sa kanila.
Pagbalik nila sa Pilipinas ay gumaling ang kanyang sakit, pero hindi pa nagtatagal ay umatake naman ang kanyang diabetes, ilang buwan lang pagkatapos ay nabulag na ang sikat na singer.
Umiiyak na kuwento ni Madel, “Ako po ang naging tungkod niya sa loob nang tatlong taon. Ayaw pa nga niyang nagpapaalalay, kaya raw niyang kumilos nang mag-isa, pagagalingin daw siya ng Panginoon.
“Pero hindi ko po siya puwedeng pabayaan, ako po ang tungkod at tenga niya, palagi kong paalala sa kanya, ‘Mahal, may nakaharang na ganito sa dadaanan mo, may baitang pa ang hagdan, lahat, sinasabi ko sa kanya dahil nakakabanaag na lang po kasi siya.
“Hindi na siya nakakakita. Kahit pati sa hapag, hinihimay ko na po ang isda at kung anumang kinakain niya para hindi na siya mahirapan,” pag-alala ng misis ng Jukebox Idol.
Misis na si Madel kumapit hanggang huling sandali
May dalawang anak sina April Boy at Madel, ang kanilang panganay na si Charmaine ay matagal nang nainirahan sa Amerika, si JC naman na singer din ay du’n na rin nagtatrabaho pero pauwi-uwi ito para tingnan ang sitwasyon ng kanyang ama.
Kuwento ni Madel sa pagitan ng pag-iyak, “Hagulgol po nang hagulgol si Charmaine nu’ng tawagan ko. Mabait na ama po si April, mababait din ang mga anak namin. Wala po kaming problema sa kanila.
“Napakasakit ng iyak ng anak ko dahil wala siya dito, hindi man lang daw niya nayakap ang daddy niya kahit sa huling sandali na lang.
“Pagdating po namin dito sa ospital, talagang hinang-hina na si April, pero palagi niyang ibinubulong sa akin, ‘Ang kalooban ng Panginoon ang masusunod. Pagagalingin Niya ako.’
“Every week po, may Bible study kami sa bahay, siya pa nga ang nagli-lead sa pagdadasal. Napakatindi po ng faith niya nitong mga huling taon,” pahayag ni Madel.
Taong 2015 ay nakaramdam si Madel ng kakaiba sa kanyang mister. Ayaw kasi niyang bigyan ng problema ang kanyang misis, nagpapanggap siyang malakas, pero hindi niya ‘yun maitatago sa kanyang maybahay.
“Ako po ang nagpapaligo sa kanya, ako ang nagsa-shampoo ng mahaba niyang buhok, pero sabi niya sa akin, ‘Mahal, magpapagupit na ako ng buhok, ayokong nahihirapan ka.’
“Umiyak po ako nang umiyak nu’n, alam ko kasi kung gaano niya kamahal ang buhok niya, ‘yun po ang image niya, ang tatak niya, pero isinuko na po niya.
“Alam ko, hindi ako ang dahilan ng pagpapagupit niya, siya ang hirap na hirap na, kaya nagpagupit na siya. Mahal na mahal ko po si April, nagsimula kami sa wala, nu’ng makilala siya, wala pong naging pagbabago ang turing niya sa akin, matindi ang respeto niya sa aming mag-iina,” humahagulgol na pag-alala ni Madel.
Paalam, idol...
Kahapon nang umaga ay buo na ang plano ng pamilya, kung walang magiging pagbabago dahil sa pandemya ay ilalagak ang mga labi ni April “Boy” Regino sa Idol Star, ang bar na malapit lang sa kanilang bahay sa M.H. del Pilar, Calumpang, Marikina.
Napakalaki ng tulong ng Idol Star sa mga panahong wala nang ginagawang show ang Jukebox Idol dahil sa kanyang pagkabulag. ‘Yun ang naging libangan niya, du’n sila nagkikita ng kanyang mga kaibigan nu’ng wala pang pandemya, du’n siya maaaring masilip sa pinakahuling sandali ng mga nagmamahal at sumusuporta sa kanya.
Nasubaybayan namin ang pagsisimula ni April “Boy” Regino sa DWWW sa programang Operetang Putul-Putol nu’ng dekada ’70. Nawala siya nang matagal na panahon dahil kumanta siya sa Japan, sa kanyang pagbabalik ay nagbuo sila ng grupong April Boys ng kanyang mga kapatid na sina Vingo at Jimmy, kalaunan ay nagkani-kanya na sila sa pagkanta.
Hindi malilimutan ng mundo ng musikang Pilipino si April “Boy” Regino. Siya ang Jukebox Idol. Siya ang nagpauso ng paghahagis ng sumbrero, poster at CD sa audience.
At ang kanyang mga pinasikat na piyesa ay kinakanta-kanta ng mga Pinoy nang walang pinipiling edad at estado sa lipunan.
Paalam, April “Boy” Regino. Hindi man kayang tanggapin ng iyong mga tagasuporta ang iyong pagpanaw ay ikaw na mismo ang nagsabi, “Ang kalooban ng Panginoon ang dapat mangyari.”