Ayun na nga! Sa unang apat na entries sa Metro Manila Film Festival 2020 ay ang pelikulang Magikland na lang ang naiwan. Hindi na tumuloy ang Praybeyt Benjamin 3 ni Vice Ganda at The Exorcism of My Siszums ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga dahil hindi rin nila kakayanin ang shooting, lalo nang nagka-COVID-19 si Alex.
Ang entry naman ng Regal na Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan ay hindi rin daw nila magawa ang ipinapa-reshoot ni direk Chito Rono dahil hindi puwedeng mag-shoot ang senior citizen na kagaya ni Angie Ferro.
Mabuti at natapos na ang Magikland na kinamatayan na ni direk Peque Gallaga. Kaya tribute na rin sa kanya ang pelikulang ito, pati ang namayapa na ring production designer na si Rodel Cruz.
Pero sa tatlong di natuloy sa MMFF, maganda naman ang kapalit at sa tingin nga namin, mukhang mas wagi ito sa online viewing.
Sa halip na walong entries ay naging sampu na.
Bukod sa Magikland, pasok na rin ang ilang entries ng Summer Metro Manila Film Festival, na Isa Pang Bahaghari ni direk Joel Lamangan, tampok sina Nora Aunor, Phillip Salvador at Michael de Mesa.
Pasok din ang Tagpuan ni Cong. Alfred Vargas kasama sina Iza Calzado at Shaina Magdayao.
Umatras man ang Regal sa Mga Kaibigan ni Mama Susan, nakapasok din ang horror film nilang The Missing nina Miles Ocampo, Joseph Marco at Ritz Azul.
Pasok din ang drama nina dating Sen. Jinggoy Estrada at Sylvia Sanchez na Coming Home. Medyo hesitant nga si Sen. Jinggoy dahil hindi niya alam kung okay sa online, pero susubukan at ganundin naman ang nararamdaman ng ilang filmmakers.
Meron pa ring entry ang Viva, ang Pakboys: Takusa nina Andrew E, Dennis Padilla, Jerald Napoles at Janno Gibbs at ang Suarez: The Healing Priest ni direk Joven Tan na ginagampanan ni John Arcilla.
Ganundin ang entry ng Cineko Productions na Mang Kepweng : Ang Lihim ng Bandang Itim na pinagbidahan ni Vhong Navarro.
Halos lahat daw na taga-It’s Showtime may partisipasyon sa pelikulang ito, kulang na lang daw ay si Vice Ganda. Pero bongga naman daw ang role dito ni Ion Perez.
Nakapasok din ang isang BL movie na The Boy Foretold by the Stars at bida rito si Adrian Lindayag.
Curious din kami sa sinasabi nilang pinakamatapang na pelikula ni direk Antoinette Jadaone na isang Coming-of-age drama ang Fangirl na pinagbidahan ni Paulo Avelino kasama si Charlie Dizon.
Sa December 25 din magsisimula ang MMFF 2020 at ipapaliwanag din daw nila kung paano ito mapapanood online sa Upstream sa tulong ng Globe.
May pinaplano na rin daw sila sa parada nito virtually.
Maureen galit sa kaibigang nanghawa ng COVID-19
Maraming na-realize si Maureen Wroblewitz pagkatapos niyang na-quarantine ng 15 days dahil sa pagkakaroon ng COVID-19.
Isa raw sa napagtanto niya ay mamimili na raw talaga siya ng mga kaibigan. Hindi lang niya masabi ang buong detalye pero may ilang kaibigan siyang pinatatamaan na maaaring doon daw siya na-infect ng nakakamatay na virus na ito.
May iba raw kasi na kahit positive sila ay lumalabas pa rin at nakikipagsalamuha, at maaaring isa siya sa nahawa.“Na-realize ko na you really cannot trust even your friends. Because you really have to expect na not everyone is gonna think like you. Not everyone wants to protect other people,” pakli ni model/actress.
Siya raw kasi magmula nang malamang positibo siya sa COVID-19 ay na-isolate niya ang kanyang sarili. At hanggang ngayon ay nasa kanyang condo unit lang siya dahil kailangan lang daw niyang matiyak na hindi siya makahawa ng ibang tao.“You really have to be careful in a pandemic like this, you cannot trust everyone talaga. Kasi they’re gonna be those people na they don’t care if they get other people sick. And they don’t care to infect other people or their parents, grandparents…they really just care about themselves,” dagdag niyang pahayag.
Hindi raw niya maiwasang magalit hanggang ngayon dahil may mga ibang kaibigan daw na mas iniisip lang daw ang kanilang sarili. “Iyon ang na-realize ko and I’m still dealing with it to be honest. I’m still very angry with some people and very disappointed as well. What I learned as well na because of this pandemic, you really see the true colors of some people. Even friends…you really see their true colors.
“For now, I’m just with my family. Kasi I know naman na I can really trust them,” saad ni Maureen.
Nandiyan naman daw si JK Labajo na nag-check sa kanya palagi at malaking bagay daw iyon sa kanya para labanan itong COVID-19.
Napangiti nga si Maureen na sinabi niyang may bago siyang paboritong song ngayon na ginawa sa kanya ni JK. “Sa akin lang muna. Actually, ‘yun na ang favorite song ko,” napapangiti niyang pakli.
Bukod sa sumikat na Buwan ay marami pa raw nagawa si JK na mga kanta para sa kanya pero hindi pa raw in public kaya sa kanya na lang daw muna.
Kaka-launch lang ng pelikulang Runaway ni Maureen na kung saan katambal niya rito si Kit Thompson. Hindi na raw nila hihintayin ang pagbubukas ng mga sinehan. Kaya next year ay mapapanood na raw ito sa Upstream na pag-aari rin ni Dondon Monteverde na producer din ng kanyang pelikula.