MANILA, Philippines — Muling ipinaalala ng Department of Health ang peligro ng pagfe-face shield na walang face mask tuwing makikisalamuha sa maraming tao — bagay na maglalapit daw sa isang tao lalo sa coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang tugon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Miyerkules, matapos matanong tungkol sa mga television show hosts na kapansin-pansing face shield lang ang suot sa mukha araw-araw nang walang maskara kahit pandemya.
"Ang pinakaimportante mo na personal protective equipment would be your mask, because it really covers your nose and your mouth kung saan tayo pwedeng mahawa nung virus na 'yan," ani Vergeire sa mga reporters.
"Kaya po siya tinawag na medical mask, ginawa siya specific to that purpose that it can filter out these organisms that you may be able to get when you are inside a healthcare setting."
Bagama't natatakpan ng face shield ang mata, ilong at bibig, bukas sa hangin ang ilalim ng baba at mga tagiliran nito, bagay na pwede pa ring daanan ng droplets na nagtra-transmit ng virus.
May physical distancing man, panay naka-face shield lang sa mukha ang mga TV show hosts ng "It's Showtime" (ABS-CBN), "Eat Bulaga" (GMA-7) at "Lunch Out Loud" (TV5) ngayong araw.
Isang tanghalian na naman ang pagsasamahan natin with matching kasiyahan at halakhakan, kaya samahan na ang buong tropa dito sa... Lunch Out Loud!#LOLwaysHappy pic.twitter.com/WqPHc9ER6T
— Lunch Out Loud (@LunchOutLoudPH) November 25, 2020
"So for those that are just wearing face shield even though there is physical distancing, especially if you are in an area that's not well-ventilated, the probability of you contracting [COVID-19] compared to those who are... wearing masks and face shields is much higher," sabi ni Vergeire.
Kombinasyon ng proteksyon
Kung DOH ang tatanungin, meron na raw aniya mga scientific studies na nagpapatunay kung gaano mapapataas ng sabay-sabay na pagsusuot ng dalawa ang proteksyon laban sa nakamamatay na pathogen.
Nagpapakita raw kasi ito ng "additive" effect ng mga nasabing pananggalang sa virus.
"[Kung] magsusuot ka lang ng mask, bibigyan ka lang niyan ng 67% protection. Magsuot ka lang ng face shield, bibigyan ka lang niyan ng konting porsyento na proteksyon," sambit pa ni Vergeire.
"Kapag ginamit niyo po 'yung mask at tsaka 'yung face shield, it gives you 93% protection. Kapag kayo po ay naka-mask with physical distancing, it gives you 94% protection. Kapag kayo ay naka-mask, naka-face shield at meron kayong distancing, it gives you 99% protection."
"Kompletuhin natin."