Kahapon lang nagsimula ang burol ng ama ni Ice Seguerra na si Dick Seguerra sa St. Peter’s Chapel sa Quezon Avenue, Quezon City.
Kuwento sa amin ni Liza Diño Seguerra, tinulungan daw niya si Ice sa paghahanda ng burol ng kanilang ama mula sa pagkuha ng death certificate, sa pagpili ng casket hanggang pagbili ng mga bulaklak sa Dangwa at pag-ayos nito sa chapel na kinalalagakan ng mga labi ni Daddy Dick.
Bumilib si Liza sa katatagan ng kanyang asawa na nagawa niyang asikasuhin ito lahat sa gitna ng kanyang pagluluksa.
Malaking bagay daw kasi na nakapag-usap nang maayos sina Ice at ng kanyang Daddy bago ito pumanaw. “Ang maganda kasing nangyari, naihanda kami ni Daddy na in the last two weeks nagpatawag siya, talagang nag-spend kami ng time with him.
“Kinantahan siya ni Ice. Lahat ‘yung mga hindi nasabi, nu’ng mga panahong may sama siya ng loob, naayos lahat ‘yun. So, talagang napakaganda na naghiwalay man, yung when he passed away, masaya. Masaya yung spirit,” pahayag ni Liza nang makatsikahan namin sa DZRH noong nakaraang Martes ng gabi.
“Ang akala ko hindi ko siya makakausap kasi nadi-depress din siya. I was expecting the worst. Pero at peace siya. Hindi ko makakalimutan na sinabi niya na, ‘love happy ako kasi nasabi ko sa kanya ang buong buhay ko na never ko nasabi sa kanya kahit isang beses. At nasabi ko sa kanya na he is the best Dad, at na-appreciate ko sa kanya ang lahat na nagawa ni Daddy,” dagdag niyang pahayag.
Kahit nga raw si Mommy Caring ay maayos na ngayon dahil naalagaan at napagsilbihan niya nang mabuti si Daddy Dick bago ito pumanaw. “I admire her strength. Siguro siya ang nakakita kay Daddy at his worst. ‘Yung kami lahat iiyak, pero siya happy siya kasi walang pain si Daddy,” pakli ni Liza.
Tinanong nga kami ni Liza kung pupunta kami sa burol, dahil kakaiba raw talaga ang inihanda nilang wake sa Daddy nila dahil iyon din daw ang bilin niya. “Kung makakapunta kayo rito, makikita n’yo talaga, hindi siya typical na burial. Red yung flowers niya. Iyon ang bilin niya, hindi siya naka-barong, yun lang ang masasabi ko,” napangiting pahayag ni Liza.
Ayaw na niyang idetalye kung ano ang itsura pero ang sabi ni Liza, sa halip daw na malungkot ang mga nakikiramay, matatawa raw sa ayos na gusto ng kanilang Daddy.
Nagbubukas ang burol ng alas-otso ng umaga hanggang alas-otso ng gabi. Sa Biyernes ang huling gabi, dahil iki-cremate na ito kinabukasan.
Nadia at pamilya nahihirapang maghanap ng malilipatan
Sa loob ng isang buwang taping nina Ynna Asistio na naka-lock in sa Bataan para sa drama serye niyang Ang Daigdig Ko’y Ikaw, nabuo ang friendship nilang lahat at naging close na sila sa isa’t isa.
Kaya sobrang na-touch si Ynna nang bahain sila ng bagyong Ulysses, talagang concerned daw ang mga kasamahan niya sa serye na halos oras-oras ay tsini-check daw sila. “Talagang tina-try po nilang ma-reach kami kung puwedeng magpadala ng food, ng water. Kasi nung time na ‘yon, hindi po kami prepared kaya wala kaming pagkain, saka wala rin po kaming tubig. Wala kaming pang-inom kahit ano,” kuwento sa amin ni Ynna nang kinumusta namin sila pagkatapos ng nangyari sa kanila noong bagyong Ulysses.
Hindi na nga raw sila nagrereklamo sa ngayon dahil mas matindi pa nga raw ang nangyari sa ibang binaha kaya humihingi na lang daw siya ng dasal para sa lahat ng naapektuhan ng pagbaha.
Ilan daw sa mga close friends ni Nadia Montenegro ay talagang nag-check pa raw sa kanila kung okay na sila.
Naiyak pa raw si Lotlot de Leon nang nag-usap sila ng Mommy Nadia niya.
Pati sina Robin Padilla, Bela Padilla, Jodi Sta. Maria, Jackie Rice, Kim Atienza, direk Joyce Bernal at Piolo Pascual ay nag-check din daw sa kanila kung okay na sila.
“Sabi ko nga po, nung nakita ko yung notification ng cellphone ko para kong birthday. Ang dami po talaga. Isa-isa ko silang nireplayan.
“Kasi nu’ng humihingi na ‘yung Mommy ko ng water at saka nu’ng flashlight. Kasi akala nila aabutan kami ng gabi,” pakli ni Ynna.
Ngayon ay naghahanap daw ang Mommy niya ng bahay na malilipatan, pero hindi naman daw ganu’n kadali lalo na’t marami raw silang magkakapatid.