Tuwing may baha, malakas na ulan at sakuna tulad ng Ondoy at Ulysses, laging pinag-uusapan ‘yung quarrying, illegal logging at mining. Pero ‘pag nalimutan na ‘yung nangyari, nalilimutan na rin ang inquiry tungkol dito.
Ang apektado lagi nito at napupuruhan talaga ay ang mga nakatira sa Marikina at Montalban.
Nakapagtataka kung bakit hindi sila mismo ang magbantay sa mga gumagawa nito. Hindi ba dapat parang sarili mong bahay na dapat mong bantayan para walang sumira sa iyong kapaligiran? Totoo, powerful at influential ang mga taong involved dito, mahirap banggain dahil baka magbuwis ka ng buhay, pero ‘di ba buhay mo rin ang binabantayan mo kaya dapat may gawin ka?
Totoo, malaki at matibay na pader iyan, merong pera, sino ka para lumaban, pero malay mo tulad ni Gina Lopez, meron ka ring makuhang kakampi.
Saka ‘pag maingay na siyempre matatakot din ang mga gagawa ng masama. Kung nakita mo na nagpuputol ng puno, kapit-kamay kayong lahat na nakatira sa lugar at piliting mapigil ang ginagawa nila, kung may nagku-quarry, pigilan n’yo, isumbong at gumawa ng ingay para mabulabog sila.
‘Yung illegal mining, for a while nag-standstill dahil sa ginawa ni Gina Lopez, puwede ring ulitin. ‘Pag hindi tayo mismo ang magbabantay, sino ang magmamalasakit sa atin?
Sana sa mga nakatira sa Montalban, Marikina at Catanduanes, kayo ang nakakakita ng ginagawa nilang mali, mag-ingay kayo, magreklamo, sure ako na sa dami ng mga tao ngayon na socially aware sa mga nagaganap at nangyayari, magkakaroon kayo ng kakampi.
Mga mayor, nagtutulungan
Bongga rin ang mayors ha. Kahanga-hanga ang pagtutulungan nila. May nag-alok ng donasyon kay Mayor Joy Belmonte, sinabi niya na hindi naman nasalanta ang Quezon City kaya kung puwede sa Marikina, Montalban o Cagayan na lang ito ibigay.
Si Mayor Toby Tiangco, dinala ang mga ambulance at amphibian boats ng Navotas sa Cagayan para makatulong sa grabeng sinalanta ng baha.
Si Mayor Enrico Roque naman ay talagang sa sariling bulsa humugot ng pambili ng pang-ayuda para mapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga nasalantang barangay sa Bulacan.
Grabe ang trabaho ng mga punong-bayan sa mga ganitong panahon na marami ang apektado.
May mga buhay pang nawala, kitang-kita mo ang destruction, kaya talagang bayanihan ang dapat mangyari. Tulungan ang mas affected areas, tawagan ang mga kapwa mo mayor para malaman kung ano ang puwede itulong. ‘Pag ganito ang pagkakataon, para silang magkakapatid. Bongga.