Pinagpipistahan ngayon sa social media ang isang sikat na male personality na bumibida sa isang serye na napakahaba ng buhay. Walang kamatayan ang kanyang karakter sa nasabing palabas.
Kahit isang batalyon na ng mga armadong grupo ang kaengkuwentro niya ay para siyang may agimat. Buhay na buhay pa rin siya. Hindi siya naitutumba ng kanyang mga kalaban.
Kuwento ng aming source, “Siya ang kinakalantari ngayon sa social media dahil no show siya sa mga nagaganap na kalamidad dito sa atin. E, di ba, ang image niya sa ere, e, tagapagtanggol ng mga naaapi at ng mga nangangailangan ng tulong?
“Nasaan na raw siya? Ano pa raw ang hinihintay niya para umayuda sa mga kababayan nating sinalanta ng mga bagyo, Pasko?” unang kuwento ng aming impormante.
Sobra-sobra na ang mga biyayang dumarating sa sikat na male personality, sigurado na ang kinabukasan niya, pati ng pamilya niya.
Patuloy ng aming source, “’Yun nga ang comment ng mga kababayan natin, napakayaman na niya, lahat ng pangarap niya, e, natupad na, pero bakit nawawala siya sa gitna ng aksiyon?
“Hanggang sa serye na lang daw ba ang image na ‘yun, pero sa totoong buhay, e, hindi niya naman ginagawa? Sinisilip siya ng mga tao, nasaan na raw ang palagi niyang litanya sa pinagbibidahan niyang palabas na hindi niya pababayaan ang maliliit at ang mga naaapi?” madiin pang impormasyon ng aming source.
Malay naman natin, baka sa sarili niyang paraan at kapasidad ay tahimik namang tumutulong ang male personality, baka hindi lang niya ‘yun ipinagmamakaingay?
Pagkontra ng aming source, “Naku, ito ang panahon ng bayanihan! Lantaran man o palihim ang pagtulong ng mga meron namang pang-ayuda, e, hindi na mahalaga!
“Ang importante ngayon, e, ang pag-aabot ng kahit anong makapagpapaginhawa sa kahirapang pinagdaraanan ng mga binagyo nating kababayan!
“’Yung mga personalidad na sobra-sobra naman ang mga biyayang tinatanggap, mag-share naman sana sila, hindi puro image lang!” napakadiing pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Anak 15 years hinalay ng ama, inanakan ng 5
Isang hapon ‘yun na bumababaw na ang baha sa mga sinalanta ng bagyo pero tinigmak pa rin ng luha ang ating bayan dahil sa Wanted Sa Radyo ni Raffy Tulfo.
Isang kababayan nating ipinakilala sa alias “Marie” ang dumulog sa palabang news anchor at komentarista. Labinglimang taon na siyang hinahalay ng kanyang sariling ama.
Lima ang kanilang naging anak, namatay ang dalawa, napakasakit malaman na alam ng kanyang ina at ng pangalawang kinakasama ng kanyang ama ang nakapanglulumong inabot ng babae.
Naghiwalay ang kanyang mga magulang, kinuha siya ng kanyang ama, sa mismong bubong kung saan din nakatira ang kanyang madrasta nagaganap ang karumaldumal na kahayukan ng kanyang tatay.
Alam ‘yun ng kanilang pamilya, alam ng kanilang mga kapitbahay, pero walang magawa ang sinuman dahil de-baril ang kanyang tatay at may kung anong nalalaman tungkol sa mahika bilang manggagamot.
Bago pa sumahimpapawid ang babae ay iniligtas na siya ng mga otoridad sa pakikipag-ugnayan ni Raffy Tulfo. Matindi ang bagyo, sinasalanta ang probinsiyang tinitirhan ng babae, pero hindi ‘yun nakapigil sa hangarin ng mapusong TV host na i-rescue na si Marie.
Galit na galit ang ating mga kababayan, kampon daw ng demonyo ang lalaking mahigit nang isang dekadang hinahalay ang kanyang anak, sa pakikipag-usap ni Kuya Raffy sa babae ay nababasag din ang kanyang boses sa sobrang pagkaawa.
Raffy tutulungang magbagong buhay si Marie
Dikta ng mapusong TV host ay ilalayo niya si Marie sa komunidad nila, gusto niyang makapagbagong-buhay ang panay ang hagulgol na babae, bibigyan niya ito nang sapat na tulong na pinansiyal para makapaghanapbuhay.
Lalong lumakas ang paghagulgol ni Marie, panay-panay ang pagtatawid nito ng pasasalamat kay Raffy Tulfo, sinaluduhan ng mga kababayan natin ang busilak na puso ng radio-TV host na palaging handang makatulong sa mga kababayan nating naaapi.
Nakakahinga na nang maluwag ngayon si Marie, pero nandu’n pa rin ang matinding pangamba, nakakulong na ang kanyang ama at tutulungan ito ni Raffy Tulfo para sampahan nang napakaraming kaso ang demonyong amang nasikmurang halayin-anakan ang sarili nitong dugo at laman.
Nagkakaisang komento ng ating mga kababayang nakatutok sa Wanted Sa Radyo, “Iyak kami nang iyak dahil sa sinapit nu’ng babae sa mga kamay ng sarili niyang ama. Hindi sapat ang makulong at mabulok lang siya kulungan, siguradong sinusunog na sa impiyerno ang kaluluwa niya!”
Ang dami-daming tumawag at nagpadala ng mensahe sa amin, pakitawid daw namin ang pasasalamat kay Raffy Tulfo, isang kapuri-puring mamamahayag na tumutulong sa ating mga kababayan sa lahat ng panahon.