Fil-Am na musical director nina Ariana Grande, Justin Bieber, Katy Perry, gagawa ng OPM album

Filipino-American musical director na si Troy Laureta
STAR/ File

Naging tanyag sa mga proyektong kasama sina Ariana Grande, David Foster, at Jake Zyrus, kasalukuyang binubuo ng Filipino-American musical director na si Troy Laureta ang isang OPM album na magbibida ng Pinoy love songs sa buong mundo.

Co-producer ang ABS-CBN Music International sa inaabangang album na may titulong Kaibigan: A Troy Laureta OPM Collective na nakatakdang ilunsad sa Nobyembre 22 (Linggo). Magiging bahagi rito ang ilan sa global artists mula sa America at Asya na aawit ng OPM classics.

“I’ve always felt that OPM deserved it’s time to crossover in some way, where foreigners would appreciate our style that is so beautiful and musical,” ani Troy.

“I’m really blessed to do a lot of stuff around the world and work with so many cool, dope people. But it is so important for me as a musician to give back to my community as much energy, time, and effort I have given so many artists around the world,” dagdag niya.

Ilan pa sa mga nakatrabaho ng talented producer sina Andrea Bocelli, Justin Bieber, Katy Perry, Steven Tyler, The Pussycat Dolls, at Filipino talents na sina Jay-R, Kyla, at Lani Misalucha.

Bukod sa pagnanais niyang ipakilala ang OPM sa labas ng bansa, pagkakataon na rin ni Troy na balikan kung paano naging bahagi ang OPM ng kanyang musical journey at nakatulong sa naging tagumpay niya sa US.

“Most of the artists that I have worked with appreciate and respect my passion for piano music and love songs. OPM was a major factor in that,” kwento ni Troy na ibinahagi rin kung paano naimpluwensiyahan ang musika niya ng mga teleserye ng ABS-CBN at ng programang ASAP, na napapanood niya sa pamamagitan ng TFC.

Lumaki si Troy sa Hawaii kasama ang kanyang mga magulang na parehong Pinoy. Nang lumaon ay lumipat na sila sa Los Angeles, California upang i-pursue ang kanyang music career. Malawak ang genre na musikang kanyang hilig, mula sa pop, R&B, at ballad music, hanggang sa reggae, punk, at metal.

Show comments