Pinagpipiyestahan pa rin ng netizens ang posts ng ilang celebrities na may kanya-kanyang komento sa nakaraang paghagupit ng bagyong Rolly at sumunod ang Siony.
Hanggang ngayon ay may mangilan-ngilan pa ring namba-bash kay Angelica Panganiban.
Nag-react din roon ang Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs na si Asec. Goddes Hope Libiran.
Sinagot niyang; “Ma’am wala pa nga po kami tulog. Alam n’yo po ba ang dapat ginagawa kung may nararanasang kalamidad ang bayan? BAYANIHAN po, hindi HILAAN PABABA.Just saying. Hindi po ako galit. Puyat lang.”
Obviously, mula sa mga supporter ni Pangulong Duterte ang kumuyog sa social media account ni Angelica.
Nag-trending nga ang hashtag na NasaanAngPangulo.
Mainit pa rin itong pinag-usapan noong nakaraang Lunes, kahit nagpakita na ang Pangulong Duterte na kung saan ay dinalaw niya ang mga lugar na lubhang sinalanta ng bagyo.
Sinagot na rin ito ni Pangulong Duterte sa kanyang Public Address noong Lunes ng gabi.
Sinabi pa niyang, baka gusto pa raw ng mga taong ito na makita siyang nakatayo sa Dolomite white sand sa Manila Bay.
Pero sa totoo lang, may ilang media ngang nakabantay sa may Manila Bay at inaabangan ang kung mawa-wash out ang dolomite sand. Inaasahan kasi nilang aanurin ito ng malakas na alon, pero hindi naman nangyari.
Samantala, matindi naman ang sagot ng common-law wife ng Pangulo na si Honeylet Avanceña.
Ipinost ng kasamahan ko sa DZRH na si Henry Uri ang palitan nila ng text ni Madam Honeylet.
Tinanong daw siya ni Henry kung ano ang maibigay nitong reaksyon sa nag-trending na hashtag #NasaanAngPangulo.
Diretsong sagot ni Madam Honeylet; “Let them make up stories that make them look pathetic and imbecile.”
Nagulat kami sa binitiwang pahayag ng partner ng Pangulo na hindi nga halos ‘yan nagpapa-interview.
Samantala, ang dami ring nag-react at pinag-usapan ang komento ni Agot Isidro sa tweet ng Hollywood actor na si Mark Ruffalo.
Nag-post kasi si Mark Ruffalo ng tungkol sa paparating na super typhoon sa Pilipinas at sinabi niyang “get ready to send donations.”
Nag-comment doon si Agot ng; “Please send donations to the Office of Vice President @lenirobredo. Thank you.”
Sa totoo lang, kahit saan naman ipadala ang donasyon para sa mga nasalanta ng super typhoon Rolly sa Bicol, ang mahalaga ay makarating ito sa mga nangangailangan.
Sa iba kasi parang may malisya ang komentong iyon ni Agot na parang kay VP Leni lang siya nagtitiwala.
PBB record breaking ang audition
Mahigit 140 thousand na pala ang nagpa-audition sa Pinoy Big Brother sa Kumu app.
Nabanggit nga sa amin ni KC Montero nang makapanayam namin sa DZRH noong nakaraang linggo na talagang grabe raw ang response ng mga tao sa audition doon sa Kumu.
“Parang record-breaking yung audition. It’s so crazy,” bulalas ni KC.
Isa si KC sa may-ari nitong app na Kumu at hindi naman niya itinangging isa sa mga may-ari nito ay ang ABS-CBN 2.
“That’s not a secret. ABS has invested in Kumu. That’s why a lot of ABS talents in Kumu,” pakli ni KC.
Kaya doon din sa Kumu napapanood ang Game Ka Na Ba ni Robi Domingo, pero parang hindi pa ito gaanong pinag-uusapan.
Mas bentang-benta raw talaga ngayon itong mga naga-audition sa Kumu para sa PBB dahil madali na nga naman at hindi na kailangang pumila.
Hindi ko lang tiyak kung malakas din ang dating nito sa mga manonood dahil iba talaga kung nasa dating istasyon ng ABS-CBN 2 ito napapanood.
Pero pinapaingay na nila ito, at si Kuya ng PBB pa nga ang nag-announce ng winners sa Magpasikat ng It’s Showtime noong sinilebrayt nila ang kanilang 11th anniversary.
Napansin lang namin, parang iba na ‘yung boses. Ang lakas ng kutob naming hindi na ito ‘yung dating si Kuya na nagbu-voice over sa PBB. Iba ang punto at hindi kasing-authoritative ang Kuya na nagsasalita dati sa PBB.
Malalaman natin iyan ‘pag nagsimula na sila.