Backstory ng mga milyunang bag ng isang aktres, sangkot ang heneral, aktor, pulitiko, etc...
Walang galing sa sariling bulsa
Usung-uso ngayon ang pagpapakita ng mga koleksiyon ng mga artista sa kanilang social media account na kinatutuwaan ng publiko. Napapasok kasi nila ang personal na buhay ng kanilang mga idolo.
Nagtatanungan ngayon ang maraming taga-showbiz kung bakit nananahimik ang isang female personality na minsan na ring binigyan ng espasyo sa isang magazine para sa kanyang mga koleksiyon ng bags at sapatos.
Kuwento ng isang source, “Bakit hindi siya nagba-vlog para sa mga collections niya? Napakarami rin niyang branded stuff na tulad ng mga artistang nagpapakita ngayon ng mga koleksiyon nila?
“Sana, ipakita rin niya ang mga ‘yun para malaman ng publiko na marami rin pala siyang naipundar nu’ng kasagsagan ng career niya,” unang sultada ng aming impormante.
Pero may nagkuwento kung bakit nananahimik ngayon ang female personality, ayaw niya, dahil maraming mabubuking ang mga tao sa kanya kapag ginawa niya ‘yun.
Ang litanya ng source, “Hindi ba, kapag nagkukuwento ang mga artista tungkol sa mga koleksiyon nila, e, may kakambal na istorya ‘yun? Kunwari, sasabihin ng artista, ‘Nabili ko ang bag na ito nu’ng mag-shooting ako sa ibang bansa.’
“’Yung iba naman, ang sinasabi, ‘Binili ko ang bag na ito nu’ng magbakasyon kaming mag-anak sa ibang bansa.’ E, paano na siya? Ano ang sasabihin niya?
“Puro donasyon kasi ng kung sinu-sino ang mga collection niya ng bags at shoes. ‘Yun ang mga taong nakachurvahan niya. Paano ang sasabihin niya kapag nag-vlog siya?
“Puwede ba niyang sabihin na ‘Bigay ito ng isang D.O.M., siya ang bumili ng bag na ito nu’ng palihim kaming nagkita sa Hong Kong.” Puwede ba ‘yun?
“Madalas siyang umoorder ng branded stuff sa isang biyahero, milyunan ang halaga ng ipinabibili niya. Pero hindi siya ang nagbabayad, nagugulat nga ang biyahero kung bakit check ng kung sinu-sino ang ipinambabayad sa kanya ng girl!
“May check ng male personalities, may check ng isang general, may check ng isang kilalang milyonaryong businessman. Kayo na ang magkaroon ng mga sponsors na nagtatapon lang ng pera sa panandaliang kaligayahan!
“Kaya huwag nang umasa ang mga nagtatanong kung bakit tahimik lang ang girl na ito tungkol sa mga collections niya. Mapapahiya lang kasi siya kapag ginawa niya ‘yun!” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Bagyong Rolly, mabangis
Sinusulat namin ang kolum na ito ay nasa probinsiya pa kami. Umuwi kami sa aming nayon (Visoria, Quezon, Nueva Ecija) kasama ang aming mga anak para dalawin ang aming mga apo.
Ilang araw na ang nakararaan ay nagbi-video call ang mga anak nina Dok Neil at Geli, kailan daw ba kami uuwi, naglalambing sina Simon, Sofia at Tacing.
Dahil sa paulit-ulit na paalala ng NDRRMC kung gaano kabangis ang bagyong Rolly ay nasaksihan namin ang matinding takot ng aming mga kanayon. Nagsusuhay na sila ng kanilang mga bahay, maaga nang inani ng mga magsasaka ang mga pananim nilang talong, kalabasa at marami pang ibang gulay.
Kesa nga naman masira at malugi sila sa puhunan ay ibebenta na lang nila ang mga gulay sa mas mababang halaga kesa sa wala silang mapala.
Inabutan kami ng bagyong Santy sa aming nayon, madaling-araw kaming bumiyahe bago pa kami makulong ng laganap ng baha, hindi namin makakalimutan ang panahong ‘yun na nagliliparan ang bubong ng aming mga kapitbahay at ang mismong bubong namin ay nagkakalampagan dahil sa sumisipol na malakas na hangin.
Hindi pa man nakababangon sa nakaraang pananalanta ng bagyo ang mga kababayan natin sa bandang South ay heto na naman si Rolly na binubuntutan pa ni Siony. Maraming buhay ang malalagay sa peligro at siguradong matindi ang magiging epekto sa kanilang kabuhayan ng magkasunod na bagyong ito.
May bagyo na ng COVID-19, sagana na tayo sa bagyo ng mga paghamon, pero may bagong bagyo na naman tayong kailangang harapin.
Walang buhay na made in heaven, palaging may kakambal na lungkot pagkatapos ng saya, pero napakahalagang huwag tayong nakalilimot.
Lahat ng kaganapan ay natatapos, laging may solusyon sa problema, nasa dulo ang leksiyon na iiwanan nito sa atin.
Kapit pa tayo nang mahigpit, milagro ang ginagawa ng sama-samang panalangin, ang pinakamalakas mang bagyo, kapag niloob ng Diyos, ay maaaring maging ambon na lang.
- Latest