Mga lock-in taping, naghanda sa super typhoon

Nora Aunor

Eto ngayon ang isang problema sa mga naka-lock in taping, kapag may bagyo. Bilang na bilang ang araw na itinitigil sa isang location dahil siyempre bayad ang bawat araw ng mga artista at production staff.

Ngayong araw ay inaasahang mananalasa ang malakas na bagyong Rolly at apektado dito sa Kamaynilaan. Kaya nag-aalala ang mga nagti-taping ng drama series at pati na rin ang mga nagsu-shooting dahil naka-lock in sila.

May posibleng daraanan ng malakas na bagyo ang lugar nila kaya pinaghahandaan na nila ito ngayon.

Kagaya ng taping ng Bilangin ang Bituin sa Langit. Nasa San Mateo, Rizal sila na medyo nakakatakot din ang lugar na iyun kapag tuluy-tuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan. Kaya kahapon pa lang ay nag-aalala sila, at pinag-iisipan na ang plan B kung sakaling sumalanta na ang bagyong Rolly.

Hindi maiiwasang may extra na dagdag sa budget dahil bayad ang bawat araw na pag-stay nila sa isang lugar. Kailangan daw nilang matapos ang 20 taping days nila roon dahil may ibang commitments na ang ibang artista.

Pero nilinaw na wala pa raw commitment si Mylene Dizon sa Kapamilya channel. Napabalita kasing babalik daw ng ABS-CBN 2 si Mylene para sa gagawin niyang teleserye. Itinanggi raw ito ng aktres, dahil wala pa raw confirmation ang lahat.

Ang dami naman daw nakapansin sa set ng closeness nina Yasser Mata at Kyline Alcantara. Pinapakiramdaman lang daw muna kung balak bang pormahan ni Yasser si Kyline dahil ang  sweet daw nito sa young actress.

Samantala, ibinalita naman sa amin ng producer ng Christmas mini-series na Paano Ang Pasko ng TV 5 na si direk Perci Intalan na okay naman daw sila sa San Pablo, Laguna. Inabot din daw sila roon ng malakas na bagyong Quinta, pero safe naman daw sila, lalo na ang mga artista na naka-check in sa hotel. Kailangan din daw nilang tapusin ang buong season dahil pang-Christmas nga ito.

Kung sakaling daraanan sila ng bagyong Rolly, natitiyak naman daw nilang safe sila sa kanilang location.

Inilunsad kagabi ang debut album ni Nadine Lustre na Wildest Dreams. Isang Visual album ito ng 30-minutong Wildest Dreams, tampok ang mga bagong kanta ni Nadine.

Nakapaloob sa mga awitin niya ang mga pinag­daanan niya sa buhay, na tumatalakay sa family, self-love at mental health.

In fairness naman, nung nag-premiere ang teaser pa lang nung October 24, nandiyan na ang suporta ng fans nila ni James. Mahigit 100 thousand views na ito sa sa You Tube channel ng Careless.

Ang audio file nitong Wildest Dreams na in-upload noong Oktubre 16 sa YT channel ng Careless ay naka-365K views na. Sa Spotify ay lampas 256K streams na ito.

Pinakinggan namin ito at ibang-iba nga sa mga dating single ni Nadine.

May ilang fans niya ang nakatsikahan namin, sinasabi nilang kailangang ulit-ulitin mo raw na pakinggan ang kanta ni Nadine para maintindihan mo.

Tila nag-iba na rin daw ang timbre ng boses ng singer/actress, na parang naka-auto tune na raw ito.

Khalil bongga agad ang project sa kapuso

Iwi-welcome na si Khalil Ramos sa All-Out Sundays ngayong araw bilang bagong Kapuso.

In-announce na rin ng GMA 7 na ang una niyang gagawing project ay isang mini-series  ka-partner si Gabbi Garcia.

Hindi pa namin alam kung magiging regular na ba si Khalil sa AOS, pero magiging bahagi siya mamaya sa pa-Halloween ng naturang variety/comedy show.

Masquerade ball-inspired ang opening number ng AOS kasama sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Gabbi Garcia, Christian Bautista, Mark Bautista, Rita Daniela, Ken Chan, Ruru Madrid, Miguel Tanfelix, Jeremiah Tiangco, Garrett Bolden, Derrick Monasterio, at Paul Salas.

Sa Sunday Noontime Live naman ay abangan natin kung kakantahin ni Piolo Pascual ang Iiyak sa Ulan na magiging bahagi ng album na ginagawa niya sa Star Music.

Matinding hugot ang pagkanta ni Piolo na sana nga ay mapakinggan ito sa SNL.

Abangan din mamya sa SNL ang mga pasabog nila sa kanilang Halloween episode kasama sina Catriona Gray, Maja Salvador, Donny Pangilinan at Jake Ejercito.

Show comments