Ate Vi, hinihintay pa rin ng fans

Vilma
STAR/ File

Sa makalawa, November 3, ay birthday na ng ating hinaha­ngaan at kaibigang si Congresswo­man Vilma Santos.

Si Ate Vi ay _7 years old na.  Ayan ha, hindi namin sinabi kung ang unang number ay 3 o 6. Bahala na kayo kung ano ang nasa isip ninyo.

Sabi ng isang kausap namin kagabi, “matanda na rin pala si Ate Vi.” Eh sino ba ang hindi tumatanda? Lahat naman ng tao ay tatanda at hindi mahalaga kung bata ka pa o matanda ka na. Ang mahalaga ay iyong mayroon kang pinagkakatandaan. Ang mahalaga ay iyong mayroon kang narating sa buhay mo. Hindi iyong tumanda ka nang walang pinagkatandaan.

Noong araw ba na pasayaw-sayaw pa si Ate Vi sa mga TV show niya, may nag-isip ba na isang araw ang batang iyon ay magiging isang mayor, magiging isang governor ng napakalaking probinsiya, at magiging congresswoman pa.

Tuwing tumatanggap siya ng parangal bilang best actress na napa­karaming beses nang naulit, may nag-isip ba na ang aktres na iyan isang araw ay gagawaran ng presidente ng Pilipinas ng pinakamataas na pagkilala para sa paglilingkod bilang opisyal ng gobyerno?

Honestly, maski kami hindi namin naisip ang mga bagay na iyan, kasi wala naman sa plano iyan ni Ate Vi.

Noon ang sinasabi niya kung dumating ang panahon na hindi na siya puwedeng umarte, maaari siyang magdirek ng pelikula o kaya ay maging isang producer din. At basta tinatanong siya tungkol sa pulitika, sinasabi niyang hindi para sa kanya ang buhay na iyon.

Pero iyon nga eh, dumating ang panahon na mismong ang mga mamamayan na ang pumilit sa kanya na pumasok sa pulitika dahil sa paniniwala nila ay siya ang makatutulong sa kanilang bayan.

Nagawa naman niya, kaya nga tatlong termino siyang mayor, tatlong terms din na governor at halos wala ngang gustong lumaban sa kanya. Isipin ninyo, siya pa ang may hawak ng record ng pinakamalaking lamang sa kanyang nakalaban sa isang eleksiyon.

Ang layu-layo na nga ng narating ni Ate Vi sa kanyang political career, kaya nga hindi na malaman ng kanyang fans at dating kasama kung papaano siyang maaagaw na muli ng showbusiness, dahil sa totoo lang kailangan pa rin naman siya ng industriya. Kailangan ng industriya ang isang aktres na kagaya niya na basta gumawa ng pelikula ay tiyak na kikita.

Hindi pa naranasan ng isa mang pelikula ni Ate Vi, iyong nakaka-pitong tugtog na ng Lupang Hinirang sa sinehan, wala pang pumapasok.

Kaya nga ang mga tao sa industriya, kung puwede nga lang kaladkarin ang isang congresswo­man para gumawa ng pelikula ginawa na siguro nila. Siya lamang ang makapagbibigay ng assu­rance na siguradong kikita eh.

Sa totoo lang naman, sa kanilang batch at sa mga ibang sumunod pa, siya na lang ang kinikilala pang box office star hanggang sa ngayon. Iyong iba nga puwede na talagang mag-retire.

Hinihintay pa rin si Ate Vi ng telebisyon. Siguro nga hindi na niya magagawa ang mga sayaw na ginagawa niya sa mga opening number ng kanyang show noon, pero kung simple lang kaya pa niya. Puwede ring maging star at host ng isang drama anthology si Ate Vi,  at tiyak iyan mataas ang ratings. Puwede rin siyang gumawa ng isang talk show, dahil sa napakayaman na niyang karanasan sa buhay. Eh alin man ang gawin niya sa mga iyon, tiyak na mag-aagawan ang mga network sa kanya.

Iyon ngang wala pa siyang plano at sinasabi niyang wala pa siyang panahon, nakaabang na ang ilang networks sa kanya eh. ‘Di lalo na pag magsasabi siyang ready na siya.

Iyan ang naging kaibahan talaga ni Ate Vi dahil kahit na ngayon, lagi siyang in demand. Mukhang hindi siya pinagsasawaan ng mga tao. Hindi lang kasi siya Star For All Seasons Siya ay isang Star For All Reasons.

Show comments