Mapapanood na simula ngayong Sabado ang digital film na Sitsit sa pamamagitan ng iWantTFC. Magbibida sa Aswang episode si Ivana Alawi at si Jake Cuenca naman ang bida sa Scorpio episode ng naturang horror movie. Ngayon lamang nakagawa ng isang horror project si Ivana kaya malaki ang pasasalamat ng aktres sa direktor nitong si Erin Pascual at movie producer na si Paulo Avelino sa pagpili sa kanya. “This one kasi it wasn’t really hard kasi si direk Erin, he was really easy to work with and nakatutok siya and it helps me. Kunwari may scene ako na nahihirapan ako. Pati si Paulo, so they helped me internalize. Minsan nai-stress ako kasi ‘yung scenes were outdoor. Sobrang sexy ng suot ko, ‘yung mga lalake nakatingin. Sabi ko hindi ako makaeksena, hindi ako makaiyak, so they would always help me out,” kuwento ni Ivana.
Hindi raw inakala ng sexy actress na makakatrabaho niya si Paulo bilang movie producer sa bagong pelikula. Aminado si Ivana na isa ang aktor sa mga crush niya sa industriya. “Si Paulo sobrang tahimik. Ako kasi no’ng nagkaeksena kami na-pressure ako kasi dati crush ko si Paulo. No’ng nakita ko siya, sobrang tahimik at do’n lang siya sa isang puwesto. Pero very caring kasi lagi siyang nagche-check, ‘Kumusta? May something ba? may problema ba?’ So na-appreciate ko naman ‘yon,” pagbabahagi niya.
Samantala, makakasama rin si Ivana sa bagong Praybeyt Benjamin na muling pagbibidahan ni Vice Ganda. Matatandaan na parehong tumabo nang husto sa takilya noong 2011 ang The Unkabogable Praybeyt Benjamin at The Amazing Praybeyt Benjamin noong 2014.
Robi, pinapabawasan ang pagiging seryoso ni Edward
Naging kaibigan ni Robi Domingo si Edward Barber pagkatapos sumali sa Pinoy Big Brother ng huli noong 2016. Mula noon ay naging malapit na ang PBB host kay Edward at sa katambal nitong si Maymay Entrata. “Simula’t sapul sinabi ko naman sa kanila, kina Maymay at Edward, wala akong pakialam kung sino kayo sa showbiz. May pakialam ako kung sino kayo bilang mga tao, at ipa-promise ko sa inyo na gagabayan ko kayo kung kailangan n’yo ng tulong ko. Hanggang ngayon ay tutuparin ko ang promise ko na ‘yon,” makahulugang pahayag ni Robi.
Ayon sa TV host ay kailangan lamang bawasan ni Edward ang pagiging seryoso nito. “Tawag ko sa kanya batang-matanda. Kapag may isang bagay, talagang pinag-iisipan niya nang sobrang daming beses. It’s a good thing, it’s a good age, a good time to make mistakes and to learn. Okay lang na magkamali, okay lang na madapa, basta ang importante ay tumayo ka at kung mahihirapan kang tumayo ay nandito lang kami para umalalay sa iyo. Edward, if you need any help, I see you not as Edward Barber pero as Edward na kaibigan ko,” paglalahad ng binata. (Reports from JCC)