'Pag-ugnay' ng AFP kina Liza Soberano, Catriona Gray sa NPA sinupalpal

Litrato na akres na si Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray
Mula sa Instagram accounts nina Liza Soberano at Catriona Gray

MANILA, Philippines — Binanatan ng ilang progresibong mambabatas at abogado ang negatibong pahaging ng isang opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilang aktres na kilala sa kanilang pagsasalita sa mga isyung pulitikal at pakikipag-ugnayan sa mga aktibista.

Ika-21 kasi ng Oktubre nang punahin ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., hepe ng AFP Southern Luzon Command, si Liza Soberano dahil sa kanyang kolaborasyon sa Gabriela Youth pagdating sa women's rights — grupong idinidikit ng militar sa New People's Army (NPA).

Bagama't nanawagan si Parlade na huwag i-redtag si Soberano, binalaan siya na talikuran ang grupo dahil "magagaya" lang raw siya sa aktibistang si Jo Lapira na napatay ng militar sa engkwentro — bagay na nakita ng ilang netizens bilang "death threat" sa aktres.

Basahin: Mourning for Jo: People’s scholar with a big heart

May kaugnayan: Jo, iskolar, activist

"By saying that Soberano is 'not yet an NPA,' [Parlade] is maliciously associating the actress with the armed movement when what she did in the [Gabriela] youth forum was to only speak up for all the victims of gender-based violence and abuse," ani Brosas, Miyerkules.

Tinutukoy ni Brosas ang paglahok ni Liza sa isang media forum kasama ang Gabriela Youth noong ika-13 ng Oktubre, kung saan nagsalita siya sa karapatan ng kabataang kababaihan.

 

 

Dagdag ni Brosas, sadyang sina Parlade, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at "bayarang trolls" mismo ang panre-redtag sa mga celebrities at influences na tumitindig laban sa macho-pasismo sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag ni Parlade, binalaan din niya si Miss Universe 2018 Catriona Gray at Liza na itigil ang kanilang ginagawa at "huwag sumunod sa yapak ng mga NPA."

Inakusahan din ni Parlade si Angela Colmenares, kapatid ng aktres na si Angel Locsin na miyembro raw ng NPA sa probinsya ng Quezon — bagay na hindi suportado ng ebidensya.

"So let's help educate [Liza] and the other celebrity targets of Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), the Underground Mass Organization hiding under Gabriela Women's Party," patuloy ni Parlade.

"The choice is yours, Liza. And so with you, Catriona. Don't follow the path Ka Ella Colmenares (Locsin) took in the underground and NPA Quezon. I am sure Angel Locsin and Neri Colmenares will not tell you this."

Tinawanan lang ni Colmenares ang paratang na NPA siya lalo na't nasa lungsod lang naman siya at nagpo-post sa Facebook. Tila tinatawanan lang niya ang akusasyon ni Parlade.

Good morning world! Good morning red-taggers! ?? Wag nyo kong hanapin kung saan-saan. Dito lang me. ????

Posted by Angela Colmenares on Wednesday, October 21, 2020

"These rabid NTF-ELCAC executives are using their rehashed script to discredit Gabriela Women’s Party despite our long track record of advocating women’s rights. Our 20 years of advancing women and children’s rights inside and outside of Congress cannot be smeared by their repeated lies," patuloy ni Brosas.

Ipinagtanggol din ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate noong Lunes si Liza at sinabing kahanga-hanga ang kanyang pagkampi sa aping kababaihan, kahit na inaatake pa ng trolls at militar: " We hope that she would continue this advocacy and see the broader picture of what problems and faces of oppression are faced by many," ayon sa deputy minority leader.

'Advocate lang siya ng kababaihan'

Samantala, nagsalita na rin ang abogado ni Liza hinggil sa isyu at nanawagan sa publikong itigil ang mga atake sa kanyang kliyente.

Ang nasabing statement ay inilabas ng ABS-CBN sa kanilang ulat ngayong araw.

"We denounce in the strongest terms the 'red-tagging of our client, Ms. Liza Soberano, in some social media platforms. Expressing her love and respect for women and children is her personal advocacy," ani Juanito Lim, legal counsel ng aktres.

Giit niya, nananatiling "apolitical" ang artista at hindi sumusuporta o direktang tumutuligsa sa pananaw sa pulitika ninuman.

Dagdag pa ng abogado, mahalaga ngayon ang respeto sa iba, bagay na ginagawa raw ng aktres simula pa noon.

"We, thus, call on everyone concerned to be circumspect in associating our client with their respective political beliefs, whatever it may be," kanyang panapos.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang suportahan ng aktor at manager ni Soberano na si Ogie Diaz ang aktres, at sinabing hindi nagpabayad sa kanyang guesting sa forum ng Gabriela Youth.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng prumoprotekta sa kanyang alaga na sadyang marubdob ang pagmamahal sa kababaihan at kabataan.

"Maraming salamat sa lahat ng pumupuri sa pagpoprotekta ni Liza Soberano sa mga kababaihan at kabataan. Ganon talaga ang may tunay na malasakit sa kapwa," ani Diaz.

Show comments