MANILA, Philippines — Magdadalawang taon nang kasal sina Moira dela Torre at Jason Marvin Hernandez. Ayon sa singer ay maraming mga bagay na ang kanyang natuklasan at natutunan sa buhay may-asawa sa loob nang mahigit isang taon nilang magkasama ng mister. “It’s doing so great. Noong first year namin medyo maraming nangyari sa buhay po namin last year. So medyo nag-a-adjust na kami in living together in being together, in being married. Tapos ang dami-dami pang nangyayari sa buhay namin. So it’s a little rough, but then now it’s everything I imagined marriage to be and more,” pagbabahagi ni Moira.
Ngayon ay pinagpaplanuhan na ng mag-asawa ang pagbuo ng pamilya. Balak umano ng singer na magbuntis na sa susunod na taon. “Gusto ko po mag-baby siguro next year or in two years. Right now, I’m on a special diet for my polycystic ovary para I hope I can get pregnant na and para hindi mahirap. Iba po ‘yung polycystic ovary, I also learned recently. I’ve been learning about it, I also learned that factor po siya kung bakit ako may depression, kung bakit ako may anxiety. Nag-add up po talaga siya and that’s why a lot of people need awareness,” pagtatapat niya.
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Moira sa pamunuan ng ABS-CBN dahil sa patuloy na pagtitiwala ng Kapamilya network sa kanya. Kahit maraming artista at singer na ang lumipat sa ibang TV network ay nananatili pa ring Kapamilya si Moira. “I’m very, very grateful for the stage that I have now and still being part of ABS-CBN. It really feels less like work and more of a family. I think that’s what all we need now. We need a family to fall back on and I’m very grateful that I’m in ABS-CBN,” pagtatapos ni Moira.
Loisa, nahirapan bilang breadwinner
Bilang tumatayong breadwinner para sa kanyang pamilya ay nahirapan si Loisa Andalio nang mawalan ng trabaho dahil sa covid-19 pandemic. Mula nang naging artista ay ang aktres na ang nagtataguyod sa kanyang mga mahal sa buhay. “Sa akin pinaka-challenge talaga ‘yung walang work, ‘yon talaga. Kasi bilang breadwinner mahirap. Kumbaga ikaw ‘yung inaasahan ng family mo, ikaw ‘yung may pinaka-okay na trabaho noon tapos nawala. Tapos sila rin naman, ‘yung sinusweldo ng mga kuya ko ay tama lang sa mga anak nila rin. Sobrang mahirap, pero pinipilit ko silang sabihan na, ‘Okay lang ‘yan, malalampasan din natin ito.’ Laging dumadaan ‘yung nangyayari sa ganitong mundo, kailangan mo lang magtiwala,” paglalahad ni Loisa.
Bukod sa pandemya ay malaki rin ang naging epekto sa aktres nang pagsasara ng ABS-CBN ilang buwan na ang nakalilipas. Kahit nawalan ng mga proyekto ay sinisikap ni Loisa na hindi mag-alala ang kanyang pamilya sa kasalukuyang sitwasyon. “Ayaw namin na mag-alala sila, ayaw namin sila na matakot. Ang hirap pero ipinapakita ko sa family ko na, ‘Wala ito, okay lang ito, wala akong trabaho. Huwag n’yo akong isipin.’ Pero deep inside siyempre hindi okay,” kuwento ng dalaga.
Ang kasintahang si Ronnie Alonte ang palaging kaagapay ni Loisa upang malampasan ang lahat ng suliraning kinakaharap ng dalaga. “Kaming dalawa kasi ‘yung mga nararamdaman namin sa isa’t isa, hindi lang ‘yung sa amin, about sa family din naman. Pinag-uusapan namin at pinagtutulungan namin kung paano namin siya iso-solve. Ako naman simula ‘yung ganitong nangyari, ipinapakita ko kay Ronnie na lilipas din ito, dumaan lang ito,” makahulugang pahayag ng aktres. (Reports from JCC)