Binuko ni jinggoy, Jake at Maine, may nakaraan!

Maine
STAR/ File

Parang nasa hot seat si Jake Ejercito nang mag-guest siya noong Lunes ng gabi sa Facebook live program ng kapatid niyang si dating Sen. Jinggoy Estrada na Jingflix.

Kasabay ng pamumudmod ng papremyo ni Sen. Jinggoy, via Zoom ay nakatsikahan niya si Jake na kinongratulate niya sa bagong programa nitong Sunday Noontime Live sa TV5.

Tinanong niya si Jake kung okay ba ang talent fee niya roon na sinagot naman siya ng binata ng ‘sakto lang.’ Sinundan niya ng tanong si Jake kung sakaling magkaroon siya ng pelikula o isa pang show, sino ang gusto niyang maka-partner.

Si Liza Soberano ang una niyang sinagot, at nagpasintabi rin siya sa KathNiel fans dahil aminado naman siyang fan siya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Tinanong siya uli ng Kuya Jinggoy niya kung okay din ba si Maine Mendoza, na umo-oo naman siya.

Kaya lang may Arjo Atayde na raw kasi si Maine. “Pero ano yung ipinakita mo sa akin nun?” natatawang tanong sa kanya ni Sen. Jinggoy.

Hindi nakasagot si Jake, na parang natameme. Sinita niya ang kuya niya na huwag na raw siyang intrigahin. Tawang-tiwa si Sen. Jinggoy sa pambubu­king niya sa kapatid.

Sa nauna na naming panayam kay Sen. Jinggoy sa DZRH, natawa na siya nang tanungin namin ito sa kanya.

Inurirat namin kung ano yung ipinakita ni Jake sa kanya nang nabanggit si Maine.

“Secret!” sagot niya sa amin na sinundan niya ng malutong na tawa.

“Siyempre sa aming magkakapatid, open naman kami.

“Mahal ko yan si Jake eh. Siyempre, sabi ko nga kung mahal din niya lahat na mga kapatid niya eh,” dagdag niyang pahayag.

Sa patuloy na pakikipagtsikahan namin kay Sen. Jinggoy, natanong din namin kung sino pa ang gusto niyang makasama sa pelikula. Magagaling daw na artista, pero nang nai-suggest namin bakit hindi si Maine, naintriga kami sa sagot niyang magpaalam daw muna siya sa kanyang kapatid.

“Oo nga pala! Sinasabi ko bago si Arjo. Pero hindi ako nang-iintriga ha?” natatawa na naman niyang sagot sa amin.

Ang dami tuloy na-curious kung nagkaroon ba ng ‘something’ sina Jake at Maine.

Naging part din kasi si Jake ng Kalyeserye noon, pero mas naka-focus siyempre ang fans sa tambalan nina Alden Richards at Maine.

Noong nakaraang Lunes din nga sa Eat Bulaga, biniro pa ni Vic Sotto sina Alden at Maine na bagay silang mag-partner kapag magkasabay silang sumasayaw ng mala-TikTok dance.

Pero parang hindi alam ng dalawa kung ano ang isasagot nila sa birong iyon ni Bossing Vic.

Billy, pinaglaruan

Aliw ang Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga noong nakaraang Lunes na nilaro ni Cong. Alfred Vargas, at ang drag queens ang choices.

Mukhang ito pa rin ang pinanood ng mga tao kahit nag-live din ang It’s Showtime para tapatan ang pilot telecast ng Lunch Out Loud.

Hindi kami gaanong naaliw sa LOL dahil parang hindi nag-swak ang hosts.

May game pa silang kasali rin ang ilang regular hosts kagaya ni Wacky Kiray na kitang-kitang hindi naman nagi-enjoy sa game na iyon.

Sinilip-silip ko ang bagong noontime show na ito ng TV5, at hindi namin alam kung kasali ba roon si Alex Gonzaga at nagulat nga kaming nandu’n din pala si Isabelle Daza.

Bago ang opening number ng Lunch Out Loud, nag-emote muna si Billy Crawford na sinabi niyang sa loob ng 34 years niya sa showbiz, gusto raw niyang pasalamatan ang ABS-CBN 2 na 12 years daw siya roon at ang dami raw niyang natutunan bilang artist.

Sinabi niyang sa ABS-CBN 2 raw siya nag-grow bilang isang host.

Kaya naman sa It’s Showtime ay pinaglaruan din siya roon ni Vice Ganda. Nilinaw ng comedian/TV host na hindi raw magbabago ang pagmamahal nila kay Billy at itinuturing pa rin daw niyang kapamilya.

Miyembro pa rin daw si Billy ng pamilya kahit lumipat na ito ng tahanan. Pero ang programa pa rin ng GMA ang pinanood kahit medyo bumaba ang ratings dahil may nakuha naman silang viewers, pero wagi pa rin ang mga programa ng GMA 7.

Kagaya noong nakaraang Linggo, October 18 na kahit med­yo bumaba, lamang pa rin ang All-Out Sundays na naka-5.4 percent, pero ang Sunday Noontime Live ay 1.2 percent lamang.

Pagkatapos ng SNL, sumunod ang I Got You na naka-1-5 percent at ganundin ang rating ng Sunday Kada.

Kahit hindi naman gaanong pumalo sa rating ang mga bagong programa ng TV5, marami namang commercial load at tila okay na okay naman daw sa mga advertisers.

Sayang nga at wala sa survey ang A2Z Channel na kung saan doon napapanood ang ilang programa ng Kapamilya network.

Show comments