MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita na ng pamilya Estrada sa social media ang magiging huling hantungan ng kanilang actor-turned-president na haligi ng tahanan.
Ito mismo ang ipinatunghay sa publiko ni dating Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang Youtube channel nitong Sabado — kahit na buhay na buhay pa ang amang si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.
Matatagpuan ito sa kanilang rest house sa Tanay, Rizal, bagay na mismong si Erap daw mismo ang nagpatayo.
"Hindi ko alam, pati ako nagulat kung bakit siya nagpatayo [agad ng libingan]. First time niyo lang makikita ito sa aking vlog," ani Jinggoy, anak ng 83-anyos na ex-president.
"Ito ipapakita ko sa inyo. Noong nakita ko ito, tinanong ko, 'Bakit ka nagpagawa nito? Buhay na buhay ka pa dad?' Ito ang ipinagawa ng tatay ko, saka-sakaling may mangyari sa kanya, gusto niya dito raw siya."
Patuloy ni Jinggoy, gustong mailibing ng dating action star sa Tanay dahil doon siya mismong ikinulong habang naka-house arrest nang apat na taon noon.
Taong 2001 nang ikulong si Erap para sa kasong pandarambong, ngunit hindi inilagay sa regular na selda matapos makiusap ng kanyang abogadong si Raymund Fortun na dati naman siyang head of state.
Bagama't hinatulan ng "reclusión perpetua" ng Sandiganbayan para sa plunder, binigyan naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng "unconditional pardon" si Erap — dahilan para makalaya siya at tumakbong uli sa pagkapangulo noong 2010. Natalo siya rito.
Basahin: Estrada jailed for plunder
May kauganayan: Unconditional pardon will allow Erap to run anew
"Kasi nung nakulong siya dito [sa Tanay], ito ang kanyang paboritong lugar, itong batong ito na parang silya. Dito siya lagi umuupo at dito siya nagme-meditate at dito siya nagdarasal. Dito sa tabi ng puno, dito siya laging nakaupo," patuloy ni Jinggoy.
Nanalo naman uli si Erap sa pagka-alkade ng Maynila nang dalawang termino mula 2013 hanggang 2019. Pinalitan naman siya ni Francisco "Isko Moreno" Domagoso — isa ring artista — sa pwesto bilang mayor.
Museo ni Erap
Sa nasabing 25-minute video, ipinakita rin ni Jinggoy ang "Joseph Ejercito Estrada Museum and Archives" — bagay na punong-puno ng kanyang mga ambag sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.
Pagpasok na pagpasok pa lang sa pintuan nito, makikita agad ang isang slogan ni Erap: "Kung sinuman ako ngayon, utang ko sa masang Pilipino," pagbasa ni Jinggoy, na nakulong din noon dahil sa pag-uugnay sa kanya sa pork barrel scam.
Makikita rin sa labas nito ang isang statwang gawa sa bronze, na hango mismo sa features ng tanyag na aktor.
Bukod sa mga iba't ibang film artifacts, makikita rin dito ang kasaysayan ng buhay ng dating presidente, kasama ng siyam niya pang mga kapatid.
Dekada '50 nang nagsimulang umarte sa pinilakang tabing si Estrada para sa pelikulang "Kandilang Bakal" (1957).
Sa itinakbo ng kanyang karera, umabot na sa mahigit 200 ang nagawa niyang pelikula, kung saan nakatambal niya ang maraming leading ladies. Nakatrabaho rin niya ang "Hari ng Aksyon" na si Fernando Poe Jr.
Taong 1974 naman nang itatag ni Estrada ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), bagay na nagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula. — James Relativo