Jinggoy, nagulat sa puntod ni Erap

Jinggoy

Rebelasyon nga ang lumabas sa You Tube channel ng dating Sen. Jinggoy Estrada na kung saan ipinakita niyang nakahanda na ang puntod na paghihimlayan ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada.

Ito ang nakapaloob sa part 3 ng vlog ni Sen. Jinggoy sa kanyang YouTube channel na Jingflix Ph.

Nag-tour muna siya sa museum, ang Joseph Ejercito Estrada Museum and Archives sa Tanay, Rizal at ang panghuli niya ay nasa labas lang at nandun na ang ipinagawa niyang puntod para kung sakaling ano ang mangyari doon daw niya gustong ilibing.

Dati raw nilang bahay-bakasyunan ito na kung saan doon naka-house arrest si dating Pangulong Joseph Estrada ng apat na taon matapos itong bumaba sa puwesto at umalis sa Malacañang.

Kuwento pa ni Sen. Jinggoy, nabili raw ng Daddy niya ang lupang iyon sa Tanay nung 1971 sa halagang 2 pesos per square meter.

Gustung-gusto raw ng Daddy niyang magpahinga roon at meron daw siyang paboritong lugar na malapit sa isang malaking puno na kung saan merong nakalagay na bato na korteng upuan. Doon daw nagmi-medidate si Pangulong Erap at nagdarasal mag-isa.    

Nagulat daw siya nang nakita ang ipinatayong puntod, kaya tinanong daw niya ang Daddy niya.

“Noong nakita ko ito, tinanong ko, ‘Bakit ka nagpatayo nito? Buhay na buhay ka pa, dad!’

“Ok, halika... slippery... eto, eto ang ipinagawa niya, ipinagawa ng tatay ko,” lahad ni Jinggoy sa tabi ng puntod.

“Kung saka-sakaling may mangyari raw sa kanya, gusto niya, dito daw siya,” kuwento pa ni Sen. Jinggoy.

 Nagiging praktikal lang nga naman si dating Pres. Erap, na mabuti nang napaghandaan na ito.

ASAP at SNL naglaban hanggang sa trending, AOS chill lang

Ang tindi nga ng salpukan ng tatlong Sunday noontime-variety shows nung nakaraang Linggo sa pagsisimula ng Sunday Noontime Live sa TV5.

Halos iisa ang komento ng ilang nakatsikahan kong nakatutok sa tatlong programa. Nag-iinit na raw ang remote control nila sa kalilipat-lipat. Marami kasi ang curious sa pilot telecast ng SNL na mukhang na-achieve naman nilang magmukhang pang-millennials ang naturang show. Marami rin ang nagsasabing parang ASAP na rin daw ito, pero ako naman ay hindi ganun ang tingin ko.

Ibang level na kasi ang ASAP Natin ‘To sa rami ng mga big star nila at talagang world-class performers ang kasali.

Kaya nga nag-trending sila lalo nang lumabas si Lea Salonga.

Refreshing namang panoorin si former Miss Universe Catriona Gray na kumakanta at naghu-host. More practice pa raw sabi ng iba, pero puwede na. At least may mga bago tayong pinapanood, dagdag pa ang pagsasayaw at paghu-host din ni Jake Ejercito na ang cute panoorin.

Sa Twitter nung Linggo ay ang SNL at ASAP ang talagang naglalaban sa pagpapa-trending. Chill lang ang taga-All-Out Sundays na comedy naman ang forte nila.

Tila mas type ng masa ang nagpapatawa lang, kaya tsika ng ilang kaibigan ayaw daw ilipat ng kasambahay nila sa ibang programa dahil nakatutok sila sa Bentang-Benta segment ng AOS.

Pero pagdating naman sa kantahan, puwedeng lumaban ang Four the Win nila nina Julie Anne San Jose, Aicelle Santos, Thea Ashley at Golden Cañedo.

Pagkatapos ng mga Sunday noontime shows, napatutok naman kami sa I Got You sa TV5 na maganda ang takbo ng kuwento.

Maganda ang pagkadirek ni direk Dan Villegas, magagaling pa sina Beauty Gonzales, Jaine Oineza at RK Bagatsing, lalo na sa pagbitaw ng mga nakakaaliw na linya.

Maganda rin ang ganitong paglabas sa iba’t ibang network dahil mga manonood ang nagi-enjoy at sana ay bumalik ang sigla ng telebisyon sa gitna ng pandemya. Hindi iyon sa mga online show na lang tayo nalilibang.

Show comments