Kyline, naka-lock in sa taping, hindi napuntahan ang burol ng lolo

Dumagsa ang pakikiramay para sa pamilya ni Kyline Alcantara sa social media, kahit na may mga nakikiusap na gawin munang pribado ang lahat hanggang wala pang statement ang pamilya. Pero hindi rin napigilan ang fans ni Kyline, at hindi rin nag-delete ang mga pinakikiusapang alisin ang mga post.

Namatay kasi noong Sabado ang lolo ni Kyline, na kung tawagin nila ay Papa Ben. Si Kyline ay palaki ng kanyang lolo kaya talagang silang dalawa ang close. Ang masakit lang, naka-lock in sa taping si Kyline kaya hindi siya makakauwi para makita ang burol ng lolo niya.

Mahirap ang ganyang sitwasyon, pero ang problema nga, kung uuwi siya, kailangan na naman ng panibagong pagpapa-swab sa pagbalik niya, magku-quarantine na naman muna at magiging cause of delay ng kanilang serye. Milyon ang nawawala sa bawat araw pag nagkaroon ng delay sa serye, kaya sinasabi nga, siguro masakit iyon pero kailangang ipagdasal na lang ni Kyline ang lolo niya.

Ganoon naman ang buhay  ng mga artista, kung sabihin nga nila kahit na noong araw “the show must go on.” Ibig sabihin kahit na ano man ang mangyari sa personal mong buhay, hindi mo maidadahilan iyon. Kailangang unahin mo muna ang trabaho mo bilang isang artista.

Medyo malupit na tradisyon, pero iyan ang nakagisnan at hanggang nga­yon ay iyan ang pinaniniwalaan.

Mukhang test nga sa propesyonalismo ni Kyline ang nangyari. Uunahin ba niya ang personal kaysa sa kanyang trabaho? It turned out, ang naging desis­yon ay hindi niya maaaring iwanan ang trabaho kahit na iyon ay isang mapait na desisyon para sa kanya.

Sabi nga pagkatapos naman ng trabahong iyon maaari niyang dalawin sa libingan ang lolo niya anumang oras. Hindi rin naman siya mawawala dahil ipinagwalang bahala niya iyon, kundi mabibitin nga ang trabaho niya na hindi naman puwede.

Pagpapakasal ni Angel, iniintriga

Maraming kuwentong lumulutang na naman tungkol sa diumano ay ang pagpapakasal ni Angel Locsin sa kanyang boyfriend na si Neil Arce. Kung sabagay, kaya naman nauungkat pati ang mga bagay na iyon ngayon kasi nga wala nang ibang masabi tungkol kay Angel. Pati nga iyong pagtaba niya ginagawa nang issue eh.

May ginagawang online shows si Angel, at sinasabing maganda naman ang following pero wala kaming masyadong naririnig na feedback. Baka nga hindi nakasama iyon doon sa audience ng ABS-CBN sa social media na sinasabing umaabot na sa 30 million.

Direktor na nandadaya ng winner, buhay pa ang career

Natatandaan namin ang kuwento ng isang director noon sa television. Mayroon palang nangyayaring “yarian” sa contest sa kanilang show. Eh hindi alam ni direk, sinita niya ang isang contestant na dapat “out” na pero naroroon pa rin. Iyon pala ang “pala” na dapat manalo ng one million kunwari. Ang resulta, napatalsik si direk sa show.

Sinasabi ng ibang sources ngayon na hindi pa natitigil ang ganyan. Mayroon pa ring ganyang raket sa mga game show. Ibig sabihin hindi lahat ng nananalo ay legit talaga. Mayroon sinasabing may nananalo nang malaki kahit na wala. Sabi nga nila, kung ibibigay talaga ng mga game show ang lahat ng malalaking premyo, malulugi sila. Kung matagal namang walang nananalo ng malaki, wala nang manonood sa kanila.

Dahil diyan, mukhang hindi nga nila maiwasan ang dayaan kung minsan ang magpanggap lang na may nanalo nga.

Show comments