James nagbago na ang hitsura, nag-init sa bashers

James
STAR/ File

Mabigat ang naging statement ni James Reid, wala siyang obligasyong humingi ng dispensa kanino man o magpaliwanag. Sinasabi niyang ang buhay niya ay buhay nga lang niya at walang may pakialam kung ano man ang kanyang ginagawa. Tumagal din ng ilang araw ang post na iyon sa kanyang social media account bago niya inalis.

Hindi maliwanag kung bakit nagsalita ng ganoon si James, pero may mga nagsabing napika raw siya dahil sa mga basher. Iyong mga basher na iyon ay mga dati namang supporters niya. Pero dahil sa kanyang statement, lalong dumami ang mga basher at sinasabing nagsalita siya ng ganoon “dahil wala na siyang career,” at “dahil laos na siya.”

Marami rin ang nakapuna na nagbago na ang hitsura ni James. Hindi na masasabing fit ang kanyang katawan kagaya noong dati, kaya nga nakuha pa siyang model noon ng isang healthy food, at kapansin-pansin ding medyo lumapad na nga yata ang kanyang mukha.

Siguro ang mga punang iyan ay sinasabi ni James na, walang pakialam ang kahit na sino.

Ok lang naman sana ang move ni James kung hindi na siya kuntento sa dati niyang management firm, masama lang ang naging timing dahil nasabayan niya ang lockdown ng COVID. Sa ganyang sitwasyon, mas nakalalamang ang mga may koneksiyon kaysa sa nagso-solo. Iyon ang dahilan kung bakit wala siyang assignment. May gagawin na sana siya eh, kaso inabot ng lockdown, tapos ang network nila nasara. Talagang parang dinagukan ang kanyang career.

Palagay nga namin, makakabawi pa si James. Kailangan lang may magtiyagang ibangon siyang muli. Pero sino ang “magpapakete” sa kanya para umangat ulit?

Talagang bagong “packaging” na ang kailangan diyan.

ABS-CBN hinihintay kung magkakaroon ng bagong kapalaran

Ang tanong, mabubuksan kayang muli ang ABS-CBN ngayong napalitan na ang liderato ng House of Representatives? Noong una, si dating speaker Alan Peter Cayetano ang nagsasabing hindi masasara ang ABS-CBN, at kung may magsasara man “ako mismo ang pupunta roon para i-on ang transmitter nila.”

Pero nakakagulat dahil noong mabutata na nga ang bid ng ABS-CBN para sa isang bagong franchise, inayunan iyon ni Cayetano na nagsabi pang iyon ay pagpigil sa oligarkiya. Tapos may isang congressman na nagsabing “inupuan niya ang petition for franchise kaya umabot sa ganoon.”

Ngayon ba mas may chances ang ABS-CBN? Palagay namin pagtitiyagaan na muna nila ang pagba-blocktime sa ZOE, na ni sa kanilang TV Plus ay hindi pumapasok dahil analog nga ang broadcast, pero at least nasa free TV sila.

Selosang aktres, may provider na pulitiko

Mukhang tanga ang male star. Wala siyang kamalay-malay na ang napakaselosa niyang aktres na girlfriend ay may milagro rin pala. Kaya pala ang aktres na girlfriend ay madalas na mamasyal sa isang upscale na mall na may karugtong na condo, kasi doon sa condo sila nagkikita ng isang former politician na lover din niya, at “provider” siyempre. Isipin mo naman, mahigit singkuwenta na ang lover, eh iyong aktres ay nasa early twenties lang.

Ang kawawa iyong boyfriend niyang male star na walang kaalam-alam, may sinusunong na pala siya sa kanyang ulo na mabaho.

Show comments