MANILA, Philippines — Tila suki na ng "masasamang mga words" mula sa contestants ang aktor at komedyanteng si Willie Revillame, matapos uling mamura nang malutong-lutong on-air, Martes nang hapon.
Nangyari ito sa kanyang programa sa GMA-7, ang ikalawang beses na nangyari ito sa kanya sa live television.
May kaugnayan: Nagmura, may premyo: Babae nagka-P15K nang tawaging 'gago' si Willie Revillame
"T*ng*na mo!" sabi ng 17-anyos na babae kay Kuya Wil, matapos matawagan sa telepono para sa segment na Tutok to Win sa "Wowowin."
Gaya noon, inakala ng Grade 12 contestant mula Tagudin, Ilocos Sur na prank caller si Revillame.
Shock na shock tuloy ang TV host sa narinig, na hiningan ng tawad ang bata.
"Sorry po... humihingi po ako ng pasensya sa nasabi ko," sabi ng contestant nang malamang si Kuya Wil talaga ang kausap niya.
Maaaring manalo nang mula P5,000 hanggang P10,000 — o minsan mas malaki pa — ang mga nananalo sa nasabing contest, bagay na tulong na rin ni Revillame para sa mga nagigipit ngayong nasa community quarantine ang buong bansa kontra coronavirus disease (COVID-19).
Para makasali, kinakailangang mag-subscribe ang contestant sa Youtube Channel ng "Wowowin," i-like at follow ang kanilang Facebook page at i-message ito ng mga personal na detalye, gaya na rin ng telephone number.
Kumontak ang nasabing contestant sa "Wowowin" para na rin magamit ang pera sa kanyang distance learning sa eskwelahan, na ginagawa para makaiwas ang mga bata sa COVID-19.
May payo naman si Kuya Wil sa lahat ng mga bigla-bigla na lamang napapamura, lalo na't habang kausap niya, live sa telebisyon.
"Ang payo ko lang sa natatawagan, kahit na may scam eh 'wag kayong magmumura. Kasi kung totoo, paano 'yan?" paalala ng aktor sa estudyante.
"Kasi nag-text ka sa amin... 'Sana kuya ako ang matawagan mo para pambili ko po ng laptop para sa online class namin."
Bagama't pinagmumura nang pagkatindi-tindi ng dalagita, makakatanggap pa rin ng P20,000 at Android tablet pang-aral ang estudyanteng si "Glaiza" mula kay Willie.