Baron Geisler magtre-train sa Navy, gumaya sa ibang 'actor-reservists'
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang pagsasanay-militar ng kontrobersyal na aktor na si Baron Geisler kasama ang Philippine Navy, kanyang pagkukumpirma nitong weekend.
Ito ang kanyang inanunsyo, Sabado, habang pumo-posing kasama ang ilang militar sa 511th Naval Squadron Reserve, bagay na matatagpuan sa Cebu City.
"My day was such a blessing. Thank you, Abba Father for leading and guiding me to the right path," wika ng celebrity daddy habang naka-face mask.
"My Life is purposed to serve YOU and the people I meet on this journey. Thank you for protecting me and my family. I love You!"
Dumating ang pagkukumpirma matapos matanong ng isang @iamditascardano sa Instagram.
Oras na mag-training, susunod si Baron sa yapak ng iba pang mga celebrity reserve forces gaya nina Dingdong Dantes, Gerald Anderson, Ronnie Liang, Matteo Guidicelli, atbp.
Ilang beses nang nadawit sa kontrobersiya ang nasabing aktor — na nakilala sa kanyang trabaho sa ABS-CBN — dahil sa maya't mayang "pagwawawala" at "pag-aamok," dahilan para isailalim noon sa rehabilitation.
Basahin: Baron Geisler nag-amok, arestado!
May kinalaman: Baron Geisler, kalaboso uli!
Noong nakaraan lang, matatandaang binigyan ng "pekeng" titulo ng pagiging "datu" si Baron, ayon sa sultanato ng Sulu at North Borneo.
Enero 2020 lang nang tawaging "fake news" ng artista ang diumano'y "karahasang" kinasangkutan kasama ang ilang gwardya ng Chong Hua Hospital sa Cebu City, lugar kung saan nanganak ang kanyang misis.
Ngayong Abril 2020 naman nang isiwalat niya ang ang dahilan sa kanyang pag-ihi sa aktor na si Ping Medina noong Nobyembre 2016, dahil diumano sa pag-"rape" ng nahuli sa kanyang ex-girlfriend.
- Latest