'Memer siya ihh': Harry Roque sinakyan mga biro sa kanyang viral Boracay pics

Kuha ni presidential spokesperson Harry Roque sa Boracay habang may COVID-19 pandemic, bagay na pinagkatuwaan at ginawang memes ng netizens
News/Jenny Dongon; Mga litratomula sa Facebook ni Harry Roque

MANILA, Philippines — Memes lang, walang pikunan — tila 'yan ang mantra ngayon ni presidential spokesperson Harry Roque matapos pagkatuwaan ng netizens ang mga litrato ng kanyang pagbabakasyon sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

"Akala nyo di ko nakikita. Tawa lang kayo. #kalmaAkoLangTo," sabi niya sa Facebook, Miyerkules nang umaga.

Nagsimula ang lahat ng ito nang magviral ang ilang litrato niya habang hinihikayat ang lahat na bisitahin ang Isla ng Boracay para na rin buhayin ang nananamlay na ekonomiya buhat ng COVID-19 lockdowns.

Sa mga litrato, makikitang tila galak na galak ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tabing-dagat, lalo na't isa raw ang Boracay sa kanyang mga "happy place."

Basahin: Vacation time!: Palasyo hinikayat ang lahat sa 'COVID-free' Boracay

Pinanggalingan tuloy ng sari-saring memes ang mga nasabing larawan, lalong-lalo na yaong pose na naka-extend ang kamay na tila letter "T".

Ang mga 'yan, bentang-benta tuloy sa mga netizens.

Ang iba pa ngang aktibista, nagamit pa ito sa kanilang propaganda at membership "recruitment." 

Animo'y well-versed pa nga sa pop culture si Roque, lalo na't tila alam niya ang konteksto ng mga nasabing memes — mapa-anime, Marvel Cinematic Universe, NBA at classic movies pa ito.

Fight me, Monkey D. Luffy!

Posted by Harry Roque on Tuesday, October 6, 2020

May kinalaman: 'Patok sa TikTok?': Ex-Duterte spokesperson todo-hataw sa dance video

Basahin: Malacañang hindi susunod sa 'TikTok ban' ng Amerika, ayon kay TikToker Harry Roque

Hindi na-offend, natuwa pa nga

Kanina, inilinaw ni Roque na hindi siya napikon sa mga naglipanang memes sa kanya. Aniya, mas kailangan pa nga raw tumawa ng mga tao ngayong stressed ang lahat sa COVID-19.

"Sa panahon ng pandemiya eh natutuwa ako na kahit papano meron tayong kontribusyon para maaliw ang ating mga kababayan," wika ni Roque.

"Mas magada yung kasama ko ang mga Avengers. Kamukha din ako ng mga Avengers, kasing-katawan ng mga Avengers."

Gayunpaman, hindi 'yan bumenta sa lahat. Ayon Jules Guiang, na dating host ng government-owned TV network na PTV4, bahagi raw talaga ang pagsakay ni Roque sa memes para na rin ma-"boost" ang kanyang imahe sa mga botante.

"Okay PR talk tayo uli. Oh di ba, Harry knows how to play the game. He is using the Go and Villar strategy, and netizens are having it," ani Guiang kanina.

"He posed like that in Boracay and now he’s part of every meme - boosting his presence to the voting public."

Dating kinatawan ng Kabayan party-list sa Kamara si Roque at sinubukang tumakbo sa pagkasenador noong 2019 midterm elections. Gayunpaman, binawi niya ang Senate bid dahil sa iniindang "unstable angina coronary disease."

Sa kabila ng "karamdaman," nakabalik sa public office si Roque bilang tagapagsalita ni Digong.

Show comments