Napakarami pa ring kuwentong naglalabasan ngayon tungkol sa isang pamosong female personality na parang pinagtampuhan ng kapalaran.
Naabot niya ang ituktok ng kanyang mga pangarap, kinilala siyang reyna sa kanyang linya, pero bakit nga ba biglang nawala siyang parang bula sa himpapawid?
Kuwento ng isang source, “Nahirapan na kasi ang production sa mga ginagawa niya. Mahirap na siyang katrabaho. Umaga ang calltime, pero dumarating siya nang halos palubog na ang araw.
“Nu’ng una, e, hindi naman siya ganu’n. Mas nauuna pa nga siyang dumating kesa sa generator. Wala pa ang mga kasamahan niyang artista, e, nasa set na siya.
“Nakapagpapahinga pa nga siya sa location dahil talaga namang napakaaga niyang dumarating sa set. Pero biglang nagbago ang working habit niya. Palagi na siyang late, kaya tinatawag siyang ‘The late ____’ (pangalan ng female personality).
“Imagine, kapag pumapalya siya sa oras, e, ang staff pa ang sinisisi niya! Kesyo mali raw ang oras na nakalagay sa call slip niya, tama ba naman ‘yun?
“Ipinapasa niya sa iba ang kalokahan niya, kung sinu-sino ang sinisisi niya, hindi na lang niya aminin na talagang iba na ang takbo ng utak niya!” unang kuwento ng aming impormante.
At kapag nasa location na siya, kung anu-ano naman ang kanyang pinagkakaabalahan, meron siyang pinagtitripang gawin na nakakaabala siyempre sa trabaho niya.
Patuloy ng aming source, “Nu’ng mahilig siya sa paggagantsilyo, e, hirap na hirap ang production staff sa kanya. Ayaw niya kasing lumabas sa tent niya!
“Gantsilyo lang siya nang gantsilyo! Dahil sa tagal niyang maggantsilyo, ang biruan tuloy sa set, e, kumot yata ang tinatapos niyang gawin! Ang katwiran niya, e, baka raw makalimutan niya ang number ng ginagawa niya!
“Nu’ng nakahiligan niya naman ang paglalaro ng mga games sa computer, e, mas mahirap siyang baklasin! Kailangang tapusin niya muna ang nilalaro niya, kaya talagang inis na inis na sa kanya ang staff!
“Ayun, nu’ng hindi na makatiis ang mga katrabaho niya, e, nag-report na sila sa katas-taasang namamahala sa mga serye. Hindi na siya binigyan ng work!
“At hanggang ngayon, e, wala pa rin siyang work! Hanggang puro plano lang siya, pero hindi naman nagaganap! Sayang na kagandahan, sayang na talento,” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Noontime shows matindi na ang magiging tapatan
May nagbulong sa amin na nu’n palang pataubin ng Eat… Bulaga ang It’s Showtime ay kaliwa’t kanang memo ang pinalalabas ng pamunuan ng ABS-CBN.
Kasagsagan ‘yun ng kasikatan ng loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza, malaking karagdagan pa sa tagumpay ng noontime show ng Siyete ang tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola kasama si Paolo Ballesteros, kaya sadsad sa rating ang programa ng tropa ni Vice Ganda.
Kuwento ng aming kausap, “Talagang everyday ang production meeting nila, pero wala silang maisip na paraan para makapantay man lang sa rating ng Eat… Bulaga!
“Tira-tira lang ang rating ng It’s Showtime, mga pamilya at kaibigan na lang yata nila ang tumututok sa kanila, dahil ang talagang pinagpipistahan nu’n ng mga televiewers, e, ang AlDub at ang tatlong lola ng show!
“Alam n’yo ba na pati ang TV commercials nina Jose at Wally nu’n, e, hindi puwedeng ipalabas sa Dos? May memo ‘yun! Ganu’n talaga nila pinersonal ang tambalan nina Jose at Wally na napakalakas naman talaga sa manonood!” kuwento pa ng aming source.
Mabuti na lang at nakabawi sa rating ang It’s Showtime nu’ng magkaroon na sila ng singing contest. Medyo nakaabante na sila nu’n, hindi na sila inilalampaso ng kabilang noontime show, hanggang sa naging matagumpay na ang segment nilang ‘yun.
Pana-panahon lang talaga ang lahat. Mahirap kasing kapain ang panlasa ng publiko. Pero kapag naman ginusto ng manonood ang ihinahain nilang putahe ay walang makapipigil sa taas ng kanilang rating.
Ilang buwan na ring hindi napapanood sa free TV ang tropa ni Vice Ganda, pero bigla silang nagkaroon ng panibagong buhay, eere na ang lunchtime show sa ZOE TV ilang araw pa mula ngayon.
Tatapatan daw nila ang bagong show ng TV5 mula sa Brightlight Productions ni Congressman Albee Benitez, ang Lunch Out Loud, sina Alex Gonzaga, Billy Crawford, Bayani Agbayani at marami pang iba ang magkakasama sa noontime show.
Wala na sanang kumpetisyon, iwasan na sana ang labanan, ang pinakamahalaga ngayong panahon ng pandemya ay ang makapagbigay sila ng pansamantalang saya sa ating mga kababayang problemado sa kabuhayan nila ngayong hinahataw tayo nang matinding pag-aalala sa bawat bukas ng ating buhay.