MANILA, Philippines — Matapos mawala sa ere sa pagkakapaso ng prangkisa nitong Mayo 2020, magbabalik sa telebisyon ang ilang programa ng Kapamilya Network — pero sa ibang channel na.
Ito ang kinumpirma ng Integrated Corporate Communications ng ABS-CBN, Martes, matapos magpaskil ng pahayag na kumukumpirma sa mga ugong-ugong.
"Simula Sabado (Oktubre 10), mapapanood na ang mga programa at pelikula ng ABS-CBN sa bagong A2Z channel 11 bilang bahagi ng kasunduan ng ABS-CBN at Zoe Broadcasting Network Inc.," sambit ng statement kanina.
"Magtutulungan ang ABS-CBN at Zoe para maghatid ng entertainment, public service programs, at educational shows sa publiko."
Simula Sabado (Oktubre 10), mapapanood na ang ilang mga programa at pelikula ng ABS-CBN sa bagong A2Z channel 11. Basahin ang buong pahayag ng ABS-CBN: pic.twitter.com/zSlY2ljnCq
— ABS-CBN PR (@ABSCBNpr) October 6, 2020
Ibinahagi rin ni Kane Errol Choa, head ng Corporate Communications ng ABS-CBN, ang parehong statement.
Ayon sa kumpara, gumagawa patuloy ang network sa paggawa ng mga palabas para sa iba't ibang kumpanya, plataporma at manonood sa loob at labas ng bansa.
Disyembre nang unang sabihin ni PLDT chairperson at CEO Manny V. Pangilinan na bukas din ang TV5 sa pagbibigay ng "blocktime deal" sa ABS-CBN nitong Disyembre 2019, mga panahon na nailalagay pa lang sa panganib ang legislative franchise ng korporasyon.
Matatandaang nagsilipatan na rin ang pagkarami-raming artista ng ABS-CBN sa Kapatid Network, pati na rin sa kanilang Radyo Singko, matapos tuluyang ibasura ng House of Representatives ang hiling na 25-year renewal ng prangkisa.
Basahin: TV5 open to blocktime deal with ABS-CBN — MVP
May kaugnayan: Kapamilya stars dominate TV5's new entertainment lineup
Nangyayari ang lahat ng ito matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 na hindi niya ipapa-renew ang prangkisa ng ABS-CBN kung siya ang masusunod, matapos hindi iere ng kumpanya ang kanyang 2016 campaign materials kahit bayad na.