Marami ang naintriga sa pahayag ng hosts ng It’s Showtime nung nakaraang Biyernes na tila may magandang balita silang ipapahayag isa sa mga araw na ito.
Baka lang daw mapagalitan si Vice Ganda kaya maingat siya sa mga sinasabi niya. “Naku, abang-abang lang kayo diyan. Ay naku, naku, naku!”
“Ayoko na lang talaga magsasalita baka mapagalitan ako, pero naku, naku, naku, abang-abang lang kayo diyan. Di ba, sabi ko sa inyo madlang pipol, better days are coming?”
Kahit si Vhong Navarro ay kinikilabutan at naninindig daw ang dalawang balahibo niya sa binti.
Ang saya nila sa opening pa lang at may sinasabi pa si Teddy Corpuz na “kita-kits.” Kaya humirit uli si Vice Ganda ng “Yes Kita-kits!
“I’m sure nae-excite kayo kung ano ang sinasabi naming kita-kits,” sabi pa niya.
Makahulugan nga ang sinasabi ni Vice Ganda na “better days are coming”. Ito na nga kaya ang nalalapit na paglipat nila sa free TV?
Isa kasi sa matagal nang pinag-uusapan ay ang paglabas ng mga Kapamilya shows sa Zoe TV.
Pero wala pa kaming nasagap na bago sa pag-uusap ng Kapamilya sa network ni Bro. Eddie Villanueva.
Ang narinig lang namin, tuloy lang daw sa pagpu-produce ng mga programa ang ABS-CBN dahil marami pa rin namang mga artistang naiwan sa Kapamilya, kahit nagtalunan na ang iba.
May mga bago pang drama series, at in-announce na rin nila ang pagbabalik ng Game Ka Na Ba na ihu-host ni Robi Domingo.
Tuluy-tuloy pa rin ang taping ng Ang Probinsyano, kahit ang daming naghuhulaang hanggang September na lang daw ito, merong nagsasabing sa October pero tuluy-tuloy pa rin sila kahit may nababalitaan pa kaming may ilang staff pa raw na nagka-COVID.
Mukhang may malaki nga silang ibabalita bago matapos ang taong ito.
Mga artistang galing sa ibang bansa, gusto nang maglayasan sa pilipinas
Narinig naming may ilang celebrities na galing sa ibang bansa ang pinag-iisipang bumalik na at hindi na ituloy ang career nila dito sa Pilipinas.
Isa nga sa narinig namin ay ang That’s My Bae na si Kim Last na pinapauwi na raw ng Mommy niya sa London.
May ilan ding nagsisimula pa lang, na naudlot ang career kaya pinapaalis na lang muna sa Pilipinas dahil wala pa ring katiyakan kung hanggang kailan ang ganitong normal na hinaharap natin.
Isa nga si Benjamin Alves sa tinanong ko kung okay pa rin ba siya rito, at wala ba siyang balak na umuwi na muna sa Guam. Bahagi si Benjamin sa bagong episode ng I Can See You na The Promise.
Nagpapasalamat siya sa GMA 7 dahil hindi siya pinapabayaan at ramdam naman daw niya ang stability niya rito.
Hindi nga lang siya makauwi dahil may trabaho pa rito, pero nami-miss na raw niya ang Mommy niya.
Gusto sana niyang dalawin ang Mommy niya, pero hindi pa raw siya puwedeng umalis, dahil may ginagawa pa naman siya rito.
Next week nga ay death anniversary na raw ng Daddy niya pero hindi pa nga siya nakakauwi, Mabuti at nagagawa naman daw ang virtual na padasal, kaya doon na raw muna siya.
Pero kung magkakaroon ng chance ay dadalawin na raw niya ang kanyang ina.
Raymart at Jodi, ginagamit sa spa
Gamit na gamit ngayon ang litrato nina Raymart Santiago at Jodi Sta. Maria na kuha sa isang restaurant.
Nakarating sa kanila na ginamit pa itong ad sa isang spa clinic na sinasabi nilang sila raw ang nagbigay ng service sa mga nabanggit na artista.
Ginamit ang litratong ito, at meron pang kuha nina Judy Ann Santos at Vhong Navarro na parang kuha sa isang party na sinasabing sa spa raw nila iyun.
Unfair na ginagamit ang mga kilalang artistang ito para ma-promote lang ang kanilang negosyo.
As of presstime, wala pang nabanggit ang mga naturang artista kung may legal action sila rito.