5th aniv ng 'Probinsyano' ipinagdiwang pa rin kahit ABS-CBN alaws sa ere

Poster ng "Ang Probinsyano," na kilala bilang longest-running action-drama sa bansa
ABS-CBN/Ang Probinsyano via Coco Martin's Instagram

MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga dinaanang pasakit ng ABS-CBN, tuloy pa rin sa paghahatid ng umaatikabong aksyon ng longest-running action-drama series na "FPJ's Ang Probinsyano" — dahilan para umabot na ika-limang taon ang Kapamilya teleserye.

Kagabi nang ipaskil ng Dreamscape ang ilang kuha mula sa isang virtual conference para ipagdiwang ang okasyon, bagay na nilahukan ng cast at mga "big boss" ng ABS-CBN.

 

 

"Happy Anniversary, mga Ka Probinsyano! The FPJAP family in a virtual get together to celebrate the teleserye's milestone. #FPJAP5TuloyAngLaban," sambit ng kambal na Instagram posts na inilabas kagabi.

Hindi nawala sa pagtitipon ang aktor na sina Coco Martin — kilala rin sa pangalang "Cardo" sa kanyang serye — sampu ng mga kasamang sina Yassi Pressman, Susan Roces, Jaime Fabregas, John Arcilla, at iba pa na bumuo sa palabas simula pa noong ika-28 ng Setyembre, 2015.

Siyempre, present din sina ABS-CBN president at chief executive officer (CEO) Carlo Katigbak, chairperson Mark Lopez at chief operating officer (COO) na si Cory Vidanes.

Nangyari ang naturang pagdiriwang matapos mawala sa ABS-CBN sa free TV, matapos hindi i-renew ng Kamara ang hiling nilang pagpapalawig ng kanilang prangkisa ng panibagong 25 taon.

Matatandaang isa si Coco Martin sa mga matatapang na nagsalita laban sa desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na ipasara ang ABS-CBN sa dahilang libu-libong empleyado ang mawawalan ng trabaho.

"Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!" ayon sa aktor.

"TINARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!"

Basahin: NTC, Calida 'tinarantado' ang Pinoy sa ABS-CBN shutdown — Coco Martin

May kaugnayan: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal

"Noong nagsara po 'yung network, we all stopped taping and we all cried by the pool area. And lahat kami, we were silent and we were crying," kwento naman ni Yassi sa isang panayam kasama ang Philstar.com.

"['Y]yung mga makeup artists namin, ‘yung mga naglilinis, ‘yung mga nagtatayo ng tent, ‘yung laging bumibili ng kape namin. The little things and the other workers, pa’no na sila? That’s where the pain is coming from siguro."

Tiniyak naman ang aktres na si Lorna Tolentino, na kabahagi ng rin ng palabas, na malalampasan ang anumang pagsubok na kanilang pinagdaraanan sa ngayon.

Bagama't wala na sa Channel 2, patuloy pa ring mapapanuod ang tanyag na teleserye mula Lunes hanggang Biyernes sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo sa cable TV at sa bagong iWantTFC.

Show comments