Ate Vi, may prediksyon sa pagbangon ng movie industry
Hindi man masasabing nagsisimula na ngang bumawi, natutuwa naman si Congresswoman Vilma Santos dahil kahit na papaano ay may nangyayari na sa industriya ng pelikula. Nagsisimula na nga ang trabaho sa telebisyon. Bukod doon may nagsimula nang magbukas na drive-in cinema, na inaasahan nilang mas mapapansin at kikita sa pagdaan ng mga araw.
Naniniwala si Ate Vi na iyan na ang simula ng unti-unting pagbangon ng industriya. “Ang mga Pilipino kasi, talagang may talent eh. Kaya naman nating lumaban. Sinasabi nga noong mga nauna pa sa amin, may panahong tayo ang nangunguna sa buong Asia. Ngayon na lang naman nangyari na naunahan na tayo, pero kaya nating bumawi basta pagbutihin lang.
“At least na-discover nila ngayon na hindi pala totoo na basta wala kang makuhang airtime, wala ka na. Nakatuklas sila ngayon ng ibang platforms para mailabas ang ginagawa nilang mga serye. Palagay ko galingan lang talaga nila, susundan ng mga tao iyan kahit na sa internet lang.
“Tapos ngayon kung napansin din ninyo, ‘yung mga network nagtutulungan na. Hindi kagaya noong masyadong matindi ang kompetisyon ng mga artista na sa isang istasyon lamang nakakalabas. Ngayon hindi na ganoon.
“Ang mga producer ng pelikula, tiyak magtutulungan din iyan. Siguro naman mabubuksan na rin ang mga sinehan kung hindi na masyadong delikado ang panahon. Hindi naman natin maikakaila na kailangan din ng mga tao ng libangan, away from home, at iyang sinehan ang nananatili pa ring pinakamurang form of entertainment outside of the home. Sa ngayon may mga open air cinema na, kaya nga lang ang mga may kotse lang ang puwede roon. Kaya nga sana mabuksan na ang mga sinehan.
“Dito sa amin, pinakamatagal na sarado ang mga sinehan. Simula pa noong pumutok ang Taal ay sarado na ang mga sinehan, inabot pa ng COVID.
“Pero naniniwala akong makakabawi tayo at nagsisimula na iyan ngayon,” sabi ni Ate Vi.
Andrea, gusto munang pakasal
“Hindi naman ako against doon sa mga nagli-live in, pero ang personal kong paniniwala kailangan ang kasal. Ang gusto ko, may basbas muna ng Diyos bago kami magsama sa isang bubong ni Derek (Ramsay) kung sakali,” sabi ni Andrea Torres.
Isa lang ang masasabi namin diyan, wise si Andrea.
Sa isang live-in situation, talaga namang lugi ang babae. Papaano kung hindi kayo magkatuluyan? Papaano kung magkahiwalay?
Kung sabagay iyon nga ang iniisip ng iba, kung walang kasal mas walang problemang maghiwalay. Pero hindi ba’t ang pagsasama sa simula pa lang ay inaasahang habambuhay?
Tama si Andrea. Mahalaga ang basbas ng Diyos sa isang pagsasama.
K-drama, mas mabilis pagkakitaan
Marami ang nagsasabi, nakakalungkot na nga ang katotohanang maraming mga manggagawang Pilipino ang nawalan na ng trabaho sa industriya ng telebisyon, at mukhang sa halip na matulungan sila, ang mas naipo-promote pa ay iyong mga palabas na Koreano.
Malaki kasi ang tubo sa mga seryeng Koreano. Walang problema sa shooting, at dubbers na lang ang binabayaran. Ang commercial load, pareho rin naman.
Pero sana maisip naman nila ang kalagayan ng ating mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Hindi naman siguro dapat na puro tubo na lang ang iniisip nila.
- Latest