Magaling na aktor, hindi kinaya ang kuda ng GF

Sa kabila ng kanyang kaligayahan dahil sa pagdating ng sorpresang biyaya sa kanyang buhay ay hindi pa rin tinitigilan ng mga paghusga ang isang magaling na aktor.

Mabuti na lang at napakapositibo ng kanyang pananaw, hindi niya pinapansin ang mga nambubulabog sa kanya, dahil alam niya ang katotohanan.

Hindi siya tinitigilan ng mga taong nag-aakusa sa kanya na paasa lang. Binigyan daw niya ng pag-asa ang isa niyang dating karelasyon na hanggang sa wakas ay sila pa rin pero puro paasa lang naman pala ‘yun.

Nagbigay ng reaksiyon ang isang malapit na source sa male personality, ang sabi nito, “Walang pinaasa at walang nagbigay ng pag-asa. Walang ganu’n.

“Hindi nila dapat sumbatan ang guy dahil wala naman siyang binitiwang promise sa girl na magiging sila na at forever na silang magiging magkasama bilang magkarelasyon.

“Walang ganu’n. Walang-wala, kaya walang pangakong dapat paninindigan ang male personality,” paglilinaw ng aming source.

Nagkaroon daw talaga ng muling pag-uusap ang dating magkarelasyon. Pero wala silang pinag-usapang ibabalik uli ang nakaraan.

Patuloy ng aming source, “Ito, e, hindi na galing sa kanya. Galing na ito sa amin, sa mga kaibigan ng male personality na nagmamalasakit sa kanya.

“E, kung kami ang tatanungin, e, nakakatakot naman kasing karelasyon ang girl. Balikan natin ang mga nakaraan niyang relas-yon, maayos ba ang paghihiwalay nila ng mga ex niya?

“Nakakatakot siya dahil may kadaldalan siya, post siya nang post ng mga ikasisira ng guy na minahal niya at minahal din naman siya!

“Marami siyang kuda, post siya nang post tungkol sa past relationship niya, siyempre, matatakot na ang mga kalalakihan na maging girlfriend siya, di ba?

“Kapag inaapuntahan siya ng lungkot, ng pagiging bitter, e, walang kalaban-laban ang lalaki sa kanya! Kung kayo man ang male personality, gugustuhin n’yo bang makabalikan pa ang madaldal na babae na isini-share sa publiko ang mga bagay-bagay na dapat, e, para lang sa kanila ng guy?” nakaismid na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

AiAi, malaki ang kinita sa ube pandesal

Ayon sa aming mga nakakausap na kaibigan ay tamad at walang diskarte lang sa buhay ang mamamatay nang dilat dahil sa gutom ngayong panahon ng pandemya.

Pero ang masisipag, ang mga buhay na buhay ang utak sa pagpasok sa kahit maliit na negosyo lang pero nakatutulong sa kanilang kabuhayan, ay siguradong makararaos sa ganitong panahon.

Totoo ‘yun. May mga kababayan tayong namumuhunan lang nang maliit na halaga, nagsikap at nagpakasipag sa paglalako ng kanilang mga produkto online, ay kumikita na nang maayos at hindi na nila iniintindi ang kanilang mga bayarin.

Sino ba ang mag-iisip na ang Comedy Concert Queen na si AiAi delas Alas ay papasok sa isang simpleng negosyo ng mga produktong siya mismo at ang kanyang asawa at mga anak ang nagbe-bake? Naging mabenta ang kanyang ube pandesal at iba pang tinapay at pastries na mula sa kanyang bake shop.

Sa isang panahong matumal ang mga proyekto ay naging malaking tulong ‘yun sa pamilya ng komedyana, kung pambayad lang sa ilaw at tubig ay parolado na sila, para-paraan nga lang naman ‘yan.

James Blanco, nagbebenta ng mga health gadget

Si James Blanco na isang magaling na aktor at mabenta sa mga serye, ramdam niya ang katumalan ng mga proyekto ngayon sa pelikula at te-lebisyon, kaya naglaan siya nang sapat na panahon sa isang negosyong napapanahon.

Napakasipag ni James, nagsasadya siya sa iba-ibang bayan at siyudad, iniaalok niya ang mga health gadgets na kailangang-kailangan ngayon ng mga LGU sa pagpigil sa pagtaas ng numero ng mga nabibiktima ng corona- virus sa kanilang mga nasasakupan.

Hindi siya nahihiyang lumapit sa mga mayor at kongresista para mag-demo ng kanyang mga ibinebentang makinarya, ano bang kilala siyang artista, sa panahong ito ay kailangang hubarin na natin ang imahe kung saan tayo nakilala para matalo natin ang kahirapan.

At matagumpay si James Blanco, marami nang siyudad ang nakapagpatunay na epektibo ang kanyang mga health gadgets, kaya lalo siyang sinisipag sa bagong mundong pinasok niya.

Sina AiAi delas Alas at James Blanco ay magandang ehemplo ng mga personalidad na kung tutuusi’y hindi na magugutom pero patuloy pa ring nagsisipag at nagsisikap sa panahon ng pandemya.

Kahapon ay eksaktong ikaanim na buwan na ng lockdown, ng quarantine, ng pagkukulong sa atin sa bahay kahit wala naman tayong nagawang krimen.

Anim na buwan na tayong nangangapa sa dilim, nagtatanong kung hanggang kailan tayo magsasakripisyo, pero nakatayo pa rin tayo at nakikipag­laban sa COVID-19.

Wala tayong uurungan, magpapakatatag pa rin tayo, sabay-sabay tayong tumingala sa pasasalamat sa Diyos kakambal ang disiplina dahil nananatili tayong ligtas sa salot na nagpapahirap sa buong mundo.

Show comments