Ted Failon, DJ Chacha pumirma na ng kontrata sa TV5

Makikitang nilalagdaan ng batikang broadcaster na si Ted Failon, ika-11 ng Setyembre, ang panibagong kontrata sa Radyo5 matapos mawala sa free TV ang ABS-CBN kaugnay ng non-renewal ng kanilang legislative franchise.
News5; Video grab mula sa Facebook ng ABS-CBN News

MANILA, Philippines — Officially "Kapatid" na ang mga long-time ABS-CBN broadcasters na sina Ted Failon at DJ Chacha matapos pormal na lumagda ng kontrata sa TV5, Biyernes.

Matapos mawala sa ere ang kanilang DZMM program na "Failon Ngayon" sa hindi pagkaka-renew ng prangkisa ng ABS-CBN, oras na lamang ang hinihintay sa paglabas ng panibago nilang palatuntunan sa Radyo5 92.3 News FM.

"We are excited to deliver a paradigm shift on FM Radio. And we are thankful that Radyo 5 will give us the opportunity to serve the people with this one-of-a- kind format," ani Failon.

"Maraming, maraming salamat po sa Radyo 5 sa pagkakataon na ito. At sa lahat ng aming mga tagapakinig, mas gaganda ang inyong umaga dahil malapit nang mabago ang tunog ng FM Radio!"

May kaugnayan: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal

 

 

Agosto pa lang ay maugong na ang bali-balitang lilisanin ni Failon ang ABS-CBN, kung saan iginugol niya ang mahigit 30 taon ng kanyang karera sa industriya.

Basahin: Ted Failon reportedly moving to TV5's Radyo5 as more ABS-CBN radio stations shut down

May kaugnayan: ABS-CBN confirms Ted Failon leaves network, 'TV Patrol'

Gayunpaman, nitong Martes pa lang kinumpirma ni News5 chief Luchi Cruz-Valdes ang balitang pagtalon ng istasyon ng beteranong mamamahayag.

Maliban sa "Failon Ngayon," na meron ding bersyon sa telebisyon, tanyag din si Ted sa kanyang trabaho bilang isa sa mga news anchor ng palatuntunang "TV Patrol."

Kilala rin siya bilang recipient ng sari-saring parangal sa larangan ng media gaya ng "Best AM Radio Announcer" at "Best TV News Anchor" mula sa iba't ibang organisasyon at award-giving bodies gaya ng Anak TV and ComGuild Center for Journalism at Catholic Mass Media Awards. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5

Show comments